NASAWI ang pulis nang pumutok ang kanyang baril habang kinakalas Ito para linisin kahapon sa Digos City.
Kinilala ni Maj. Peter Glenn Ipong, hepe ng Bansalan Police, ang biktima na si Pat. Kim Lester Remonde Cosido, 27, ng Brgy. Tubod sa Bansalan, Davao del Sur.
Nakatalaga si Cosido sa Digos City police station at naatasan bilang security escort ni Mayor Josef Cagas.
Ani Ipong, lilinisin ni Cosido ang kanyang baril, isang Taurus TS9, kaya kinalas niya ito.
Aksidente namang pumutok ang baril at tinamaan ng bala sa dibdib ang biktima, ayon sa ulat.
Naisugod pa si Cosido sa Viacrusis Medical Hospital pero hindi na siya umabot nang buhay.
Napag-alaman na day off ng biktima nang maganap ang insidente.
Narekober sa pinangyarihan ang kinalas na baril at mga panlinis.
Nagsagawa na ng paraffin test upang madetermina kung si Cosido talaga ang aksidenteng nakapagpaputok ng baril. –Inquirer