NAKAPAGTALA ang Quezon City ng 335 kaso ng Violence Against Women and Children (VAWC) sa panahon ng quarantine period.
Ayon sa QC Gender and Development Office ang mga biktima ay nakaranas ng physical, sexual, psychological, verbal at economical abuse.
“This pandemic has revealed to us the gaps the we need to address in terms of women and children violence. We have been getting reports of individuals who want to leave their homes but do not have anywhere else to go,” ani Mayor Joy Belmonte.
Upang maproteksyunan ang mga babae at bata, magtatayo ang lungsod ng protection shelter at bubuhayin nito ang crisis helpline.
Ang shelter o half-way house, ay isasailalim sa QC Protection Center (QCPC) at maaaring mapuntahan ng mga biktima na tatakas sa karahasan.
“Ang pang-aabuso ay walang pinipiling oras. It can happen anytime. So we want to extend services that will attend to women anytime they need, especially if they are in immediate danger,” saad ng mayora.
May plano ang lungsod na palawigin ang Tindahan ni Ate Joy livelihood program sa mga babaeng biktima ng karahasan. Ito ay isang sari-sari store startup packages para sa mga single parents.
Sa isinumiteng ulat ni Pangulong Duterte sa Kongreso kamakailan, sinabi nito na 3,699 kaso ng VAWC ang naitala sa panahon ng community quarantine. Sa bilang na ito 74 ang naiulat sa Quezon City Police District (QCPD).