POSIBLENG makabiyahe na ang mga pampasaherong jeepney sa mga piling ruta bago matapos ang buwan.
Sinabi ito ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board chairman Martin Delgra sa virtual hearing ng House committee on Metro Manila Development kanina.
“We are looking at on or before the end of the month,” sagot ni Delgra ng tanungin ng chairman ng komite na si Manila Rep. Manny Lopez. “Yung routes po na-identify na, yung numero po (ng bibiyahe) na-identify na.”
Pero hindi umano sa dating ruta bibiyahe ang mga ito kundi sa 104 rationalized jeepney routes na natukoy ng LTFRB sa Metro Manila.
Ang papayagan umanong bumiyahe muna ay 5,000 jeepney units sa Metro Manila.
“The basic principle here, really is we have to have connectivity between the rail, the bus and the jeepney,” dagdag pa ni Delgra.
Sa pagtatanong ni Marikina Rep. Stella Quimbo, sinabi ni Delgra na walang pagtataas sa pasahe kahit kalahati lang ang maaaring isakay ng jeepney at may dagdag silang gastos sa pag-disinfect ng kanilang sasakyan.
Sinabi ni Delgra na naghahanap ng paraan ang LTFRB upang matulungan ang mga operator at driver upang mabawasan ang kanilang pagkalugi.
Ayon naman kay Transportation Assistant Secretary Steve Pastor may panukalang fuel subsidy ang ahensya na 36 litro kada araw sa bawat jeepney. May panukala rin na magkaroon ng loan facilities para sa mga operator at loan restructuring sa mga operator na nakautang na bago ang coronavirus disease pandemic.
Ipinanukala naman ni Quimbo na dapat ding pag-aralan ang pagbibigay ng subsidy sa pag-disinfect ng mga jeepney.
Sa 4,600 bus sa Metro Manila ang pumapasada na ay halos 80 porsyento nito. Ang mga ito ay bumibiyahe sa 25 rationalized routes na bukas na. Bago matapos ang linggo ay bibiyahe na umano lahat ng bus sa Metro Manila.
Sinuspendi ang biyahe ng lahat ng pampublikong sasakyan nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine upang maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 noong Marso.