NAGULO man ang Olympic qualifying schedule, nakahanda pa rin ang mga pambato ng Philippine taekwondo team na sumabak sa labanan lalo na ngayong walang tigil sila sa pag-eensayo.
At sa mahigit tatlong buwan na lockdown bunga ng coronavirus (COVID-19) pandemic, patuloy lang sa pagbibigay ang kanilang mga coaches ng weekly training reports sa Philippine Taekwondo Association (PTA) para mabantayan ang kanilang mga atleta.
“They are training on their own and communicating via internet with their coaches,” sabi ni PTA secretary-general Rocky Samson.
Hindi man nakakapunta ang mga Olympic aspirants sa PTA central gym sa Rizal Memorial Sports Complex patuloy lang sila sa pag-eensayo ayon kay Samson.
Ang Olympic qualifying para sa Asya ay ipinagpaliban at inaasahan na mauurong itong muli dahil sa pangamba sa COVID-19 pandemic.
Idadaos sana nitong Abril sa Wuxi, China, inilipat ang Olympic qualifier ngayong Hulyo sa Amman, Jordan dahil sa banta ng coronavirus. Inaasahan naman ni Samson na mauurong ito sa huling bahagi ng taon.
Nakapili na ang PTA ng anim na jins na malaki ang tsansa na makasabak sa Tokyo Olympics dahil sa kanilang magandang ipinakita sa 30th Southeast Asian Games noong isang taon.
Ito ay kinabibilangan nina Pauline Lopez, Kirstie Elaine Alora, Kurt Bryan Barbosa, Veronica Graces, Arven Alcantara at Samuel Morrison.
Kumpara sa mga nakalipas na Olympics, mas maliit ang pagkakataon nila na makapasok sa Tokyo Games dahil isang qualifying meet, na isang regional tournament, na lamang ang kanilang sasalihan.
Mayroon pa sanang gaganapin na World qualifying event subalit nagdesisyon ang international federation ng taekwondo na ikonsidera na lamang ang international rankings bilang basehan para makapasok sa Olympics imbes na magdaos ng isa pang event.