NAGPALIWANAG ang isang executive ng ABS-CBN kung bakit walang suot na face mask o face shield ang mga performers kahapon sa ASAP Natin ‘To.
Naikumpara kasi ng ilang manonood ang live episode ng It’s Showtime sa pagbabalik ng ASAP sa ere na parehong napanood sa Kapamilya channel (cable).
“Sobrang layo ng blocking nila (performers), ang pangit kasi tingnan (kapag naka-facemask). ‘Yung Showtime kasi medyo malapit sila (sa isa’t isa),” ang katwiran sa amin ng ASAP executive nang tanungin namin kung bakit hindi pinagsuot ng face mask o face shield sina Martin Nievera, Zsa Zsa Padilla, Erik Santos, Piolo Pascual, Regine Velasquez at Gary Valenciano.
Naalala namin ang pahayag ng supervising producer ng It’s Showtime na si Bjoy Balagtas sa nakaraang virtual conference para sa pagbabalik ng noontime show sa Kapamilya channel.
Siniguro nila na susunod ang produksyon sa company safety protocols, guidelines at social distancing, lalo na ang pagsusuot ng face mask/face shields at limitado ang workforce sa studio.
Hirit namin sa ASAP executive kung bakit ang It’s Showtime artists ay nakasuot ng face masks at face shields?
Ibig bang sabihin magkaiba ang guidelines ng ASAP at Showtime?
“Pinadoble ko ang layo nila sa blocking sa ASAP. Sa Showtime medyo malapit sila,” paliwanag pa ng TV executive.
Sabagay, napanood naming magkakalayo ang ASAP artists sa isa’t isa at pinairal naman nila ang physical distancing.
Anyway, hindi namin napanood nang buo ang programa dahil wala kaming cable. Nakita lang namin sa isang Twitter post ang ilang production numbers sa ASAP.
Pero ang balita namin, panalo ang pagbabalik sa ere ng Sunday musical program ng ABS-CBN at sa katunayan, trending pa si Sarah Geronimo-Guidicelli sa kanyang production number.