Iluluklok ng militar

BANDERA Editorial

KUNG magkagulo sa Mayo, habang isinasagawa ang halalan o pagkatapos ng halalan, ang Armed Forces, base sa itinatakda ng Saligang Batas, ang siyang tagapagligtas.  Wala nang ibang magliligtas sa bansa kundi ang AFP.  Hindi ang National Police.
Inatasan ang AFP, at PNP, na supilin ang gulo para maging maayos ang halalan.  Inatasan din ang AFP at PNP na pigilin ang maaaring pagdanak ng dugo at pagkasawi ng maraming buhay.  Anumang gawin ng AFP at PNP para mapanatili ang kaayusan, sa anumang paraan para lamang makamit ang misyon na mapanumbalik ang kaayusan, ay kakatigan ng korte, sa ayaw at sa gusto ng mga agrabyado, Kaliwa at oposisyon.
Kung ang mismong mga agrabyado, Kaliwa at oposisyon ang maglalagay ng gatong para lumaki ang apoy ng gulo, at magbantang lamunin ang katatagan at pundasyon ng gobyerno, kikilos at kikilos ang militar, at tutulungan din naman ng PNP, para mapigilan ang malaking sunog na minsan nang tumupok sa buong Roma.
Dalawang yugto sa kasaysayan, na sariwa pa sa alaala ng karamihan (maliban na lang kung bukod sa may sakit sa limot at wala pang kakayahan ang memorya na muling ipagtagpi-tagpi ang bawat sandali ng mga nakalipas) ang naitala sa bansa at buong mundo.  Ito ay ang mga nangyari noong 1986 at 2001.  Walang dumanak na dugo (at di na rin hinintay ng militar at pulisya na dumanak muna ang dugo bago nagsikilos).
Sa dalawang insidente ng pag-aalsa, nang walang pinapasang mga armas kundi ang umaapaw na poot sa maling pamamalakad ng pamahalaan, iniluklok ng militar ang mga bagong lider.  Sa pagluklok ng militar sa mga bagong lider ay tumulong ang pulisya, tumayo sa tabi ng militar at ipinagtanggol ang desisyon sa pagsasagawa ng pagbabago, kahit na ito man ay maging mitsa at dahilan ng pagkakahati ng taumbayan, mapanumbalik lamang ang kaayusan at normal na pamumuhay.
Sa paglilipat ng kapangyarihan sa bagong pinuno ng AFP kahapon bunsod ng pagretiro ng nakaluklok na hepe, ang balitaw ay tigib ng mga pangunahing nagtapos sa Philippine Military Academy Class 1978, bukod sa pangulong inampon bilang mistah ng mga nagtapos sa taong iyon.
Sa mga bumuburiki sa katatagan ng pamahalaan, hindi maganda ang pahiwatig ng kahandaang ito.  Pero, para sa matatag na sandatahang lakas, ito’y kaayusan at kahandaang harapin ang anumang banta, gulo at planong pagpapabagsak sa liderato.  Kikilos na isang batalyon ang pipigil sa gulo.
Kung nais nating huwag na namang maulit ang dalawang kasaysayan, tulungan nating idaos ang maayos na halalan.

BANDERA, 091010

Read more...