NITONG June 12, 2020 ay ating pinagdiwang ang ika-122 anibersaryo laban sa pananakop ng mga banyaga. Kasabay ng ating pagdiriwang ay ang pagbibigay pugay sa ating mga bayani kagaya ni Gat Andres Bonifacio, Dr. Jose Rizal at General Antonio Luna na nag-alay ng kanilang buhay para makamit ang ating kalayaan.
Sa makabagong panahon, itinuturing nating mga bayani ang ating mga overseas Filipino workers (OFWs) dahil sa laki ng kanilang naiaambag sa ating ekonomiya. Ika nga, ang mga OFWs ay ang ating “modern-day heroes.”
Subalit, napaulat nitong mga nakaraang araw na napapabayaan ang mga bagong bayani natin sa panahon ng COVID-19. Sila ba ay bagong bayani kung wala ang pandemia na dala ng COVID-19 pero basura sa panahon ng sakuna?
Trending pa sa balita na ang mga bayaning OFWs ay natutulog na lamang sa ilalim ng flyover at umaasa sa relief goods na ibinibigay ng mga nagmamabuting loob nating mga kabayan.
Sa isang interview na binigay sa isang news network ng isa sa kanila, sinabi nito na para silang mga baboy at tila mga basura sa ilalim ng flyover. Ang kanilang mga airlines na dapat sasakyan o yung NAIA ay hindi man lang daw nagbigay nang maayos na matutuluyan o pagkain.
Kung sa ibang bansa ay pro-active ang ating Department of Foreign Affairs (DFA) na sinisikap sinisikap na mabigyan ng sapat na serbisyo ang mga OFWs, subalit pagdating sa loob ng ating bansa ay tila napapabayaan ang mga ito.
Ang mga pangyayaring ito ay sa kabila ng Republic Act No. 8042 o ang “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995” na naglalayon sana na itaas ng dignidad ng mga OFWs, magbigay ng sapat at mabilis na serbisyo. Kaya naman ang tanong ay may paglabag ba sa karapatan ng ating OFWs ang kanilang nararanasan?
Sa ilalim ng RA No. 8042, at sa implementing rules and regulations nito, may karapatan ang ating mga OFWs sa sapat at tamang impormasyon. Ang impormasyon na ito ay habang pangunahing tumutukoy sa sitwasyon sa mga bansa kung saan sila madedeploy, hindi nangangahulugan na ang POEA o ang OWWA ay mag-walang kibit nalang kung ang mga OFWs natin ay nasa Pilipinas na.
Tandaan na ang batas ay nagsasaad din ng pagbibigay impormasyon ukol sa “migration realities and other facts”. Kung ating iisipin ay dapat magbigay alam din sa mga kawawang OFWs natin kung sila ay makakauwi na sa kani-kanilang mga lugar habang suspendido ang kanilang deployment.
“Kulang sa foresight” ang ating gobyerno at dahil dito ang mga bagong bayani ay natutulog at namamalagi na lang sa ilalim ng flyover.
Isang pang karapatan ng mga OFWs, ay sana mareintegrate sa ating komunidad at gamitin ang kanilang kasanayan. Ngunit wala pa tayong naririnig na ganitong balita na pinatutupad ng ating pamahalaan. Kung tutuusin ang mga stranded na mga OFWs ang unang tinamaan ng epekto ng COVID-19, maliban pa sa gastos sa pag-proseso ng kanilang mga papeles.
May batas na nagsasabi na dapat ay magkaroon ng “monitoring of daily situation, circumstances and activities affecting migrant workers and other overseas Filipinos”. Pero itong obligasyon ba ay titigil na kapag nakapasok na ng Pilipinas ang OFW?
Sana mabigyan ng pansin at sapat na tulong ang ating mga modern days heroes sa panahon ng pandemya.
POSTSCRIPT:
Matapos malathala at naging maingay sa social media ang sitwasyon ng mga OFWS na natutulog lang sa ilalim ng flyover, umaksyon naman ang ilan ahensya ng gobyerno para tulungan ang mga nasabing OFWs.