MAHIGIT isang taon na ngunit hindi pa tapos ang suspensyong ipinataw kay Phoenix Fuel Masters forward Calvin Abueva.
At mabigat na pasanin talaga ang suspensyon na ipinataw ng Philippine Basketball Association (PBA) sa tinaguriang “The Beast” kaya naman ginagawa ni Abueva ang lahat ng makakaya para tuluyang alisin na ito ni PBA Commissioner Willie Marcial.
“I’m very eager to return,” sabi ni Abueva sa 2OT podcast nitong Sabado.
“The support of my team and the fans have always been there. And I want to work harder because I want to give my family a better life. That is always my goal.”
Maliban sa drug test, sinabi ni Abueva na kailangan na lamang niya ng apat na session sa psychologist bago muling pag-aralan ni Marcial ang kanyang kaso.
Ang dating Rookie of the Year, na ang kontrata ay mapapaso ngayong season, ay hindi nakapaglaro magmula pa noong Hunyo 2019 matapos ang mapanganib na foul kay TNT KaTropa import Terrence Jones ilang araw matapos ang insidente sa girlfriend ng dating Blackwater Elite rookie guard na si Ray Parks.
Humingi naman ng tawad sa kanyang nagawa si Abueva sa PBA board pati na rin sa mga fans ng liga. Kinailangan din niyang magsagawa ng community service na tinanggap naman ng Phoenix forward.
“I doubled my effort in the community service because that was a great opportunity for me to also help,” sabi ni Abueva, na nakapasa na sa drug test.
Sinabi rin ni Abueva na malaking tulong sa kanyang buhay ang session sa psychologist.
“I already had two sessions just before the [COVID-19] pandemic and it helped me get comfortable,” sabi ni Abueva. “It improved my family life and improved my relationships with people. I just need four more sessions.”
Hindi naman tuluyang nawala sa laro si Abueva sa panahon ng kanyang suspensyon dahil tumatanggap siya ng mga imbitasyon para maglaro sa ilang lungsod at bayan sa Luzon.
Nagpapasalamat din siya sa ilang kapwa PBA players na nagbigay ng suporta sa kanyang restaurant business sa San Juan.
“I’m putting in my 100 percent to return to the PBA,” sabi ni Abueva. “I want to prove that Calvin Abueva doesn’t quit even with the problems he’s faced. I’m more driven now than I was before.”
“I expect to be back and prove to myself and the fans that I’m a better player and I’m a better person,” dagdag pa ni Abueva. “I learned my lesson. I know I really have to think twice before I do anything on the court.”