Presinto sa Sulu niratrat: 2 pulis patay, 2 pa sugatan

DALAWANG pulis ang nasawi at dalawa pa ang nasugatan sa pag-atake ng mga hinihinalang kasapi ng Abu Sayyaf sa istasyon ng pulisya sa Parang, Sulu, kagabi.

Itinakbo pa sa pagamutan sina Pat. Arjun Putalan at Cpl. Mudar Salamat, kapwa miyembro ng Parang Police, pero di na umabot nang buhay, ayon sa ulat ng pulisya.

Patuloy namang nilulunasan sina EMsgt. Hamid Saribbon at SMSgt. Harold Nieva, dahil sa mga pinsalang tinamo.

Pinaulanan ng bala ng isang grupo ng kalalakihan ang Parang Police Station, na nasa Brgy. Poblacion, dakong alas-6:30.

Nagpadala ng tauhan ang PNP Special Action Force at Regional Mobile Force Battalion alas-7:30 para i-reinforce ang istasyon, pero nakatakas na ang mga armado patungo sa direksyon ng Indanan.

Kasunod nito’y naglunsad ng pagtugis ang mga miyembro ng lokal na pulisya, kasama ang mga reinforcement.

Natunugan din ng militar ang insidente, at kasalukuyang tumutulong sa pagkalap ng intelligence information, sabi naman ni Maj. Arvin Encinas, tagapagsalita ng Armed Forces Western Mindanao Command.

May hinala na mga kasapi ng Abu Sayyaf ang sumalakay, pero naniniwala ang lokal na pulisya sa kampanya kontra droga naman may kaugnayan ang insidente, aniya.

Read more...