Teacher sa Bataan na nag-costume ala-Sang’gre ng Encantadia viral na

NAGPASABOG ng good vibes sa social media ang isang teacher na nag-costume nang bonggang-bongga ala-Sang’gre!

Viral ngayon ang paandar ng teacher na si Lorena dela Cruz mula sa Lamao Elementary School sa Bataan matapos makuha ang atensiyon ng netizens dahil sa kanyang Encantadia costumes.

In fairness, hindi lang isa o dalawang karakter sa classic fantasy series ng GMA ang ginaya ni Teacher Lorena, kundi apat! Talagang tinuhog na niya ang apat na Sang’gre ng Encantadia.

Makikita sa mga nag-viral na litrato ang guro na nakasuot ng costume bilang sina Sang’gre Amihan, Sang’gre Alena, Sang’gre Danaya at Sang’gre Pirena.

Wala namang gustong patunayan o ipaglaban ang guro sa kanyang bonggang pasabog, nais lamang niyang aliwin ang sarili pati na ang kanyang mga estudyante habang inaayos ang mga enrollment papers.

Ito rin daw ang naisip ni Teacher Lorena na paraan para ipabatid sa kanyang mga estudyante pati na sa mga magulang na sa kabila ng kinakaharap na health crisis ng bansa ay masaya pa rin ang mabuhay.

Nais ding ipabatid ng guro sa lahat ng kabataan na mas dapat silang maging positibo ngayon dahil sa gitna ng krisis at pandemya sila pa rin ang itinuturing na pag-asa at kinabukasan ng bayan.

Narito ang ilang bahagi ng Facebook post ng Department of Education na may title na, “KUWENTONG ENROLLMENT.”

“Pagsusuot ng costume ang naging istratehiya ni Teacher Lorena Dela Cruz, nagtuturo ng ikaapat na baitang sa Lamao Elementary School, Bataan upang mapasaya at mapagaan ang pagsasagawa niya ng remote enrollment sa nakaraang dalawang linggo para sa school year 2020-2021.

“Araw-araw, iba’t ibang karakter sa teleseryeng Encantadia ang sinusubukan niyang gayahin. Ayon sa kanya, bago pa man magkaroon ng pandemya, ginagamit na niyang halimbawa sa pagtuturo ang mga kabutihang asal sa palabas upang makuha ang atensyon ng kanyang estudyante 

“Sa likod ng makukulay na kasuotan, ang tunay na kapangyarihan ni Teacher Lorena ay nagsisimula sa pagbibigay niya ng impormasyon at kaalaman sa mga magulang tungkol sa bagong sistema ng edukasyon sa ilalim ng new normal.

“Ayon kay Teacher,  hindi lahat ng magulang ay mayroong angkop na gadget para sa online learning, ngunit hindi nito napigilan ang kanilang pagnanais na magpatuloy ang kanilang mga anak sa pag-aaral. Kaya naman sila ay naging bukas at positibo sa pagpili ng modular na pamamaraan ng pagtuturo sa kanilang mga anak.

“Ani Teacher Lorena, mahalagang maipagpatuloy ng mga mag-aaral ang pagkakaroon ng edukasyon sa kabila ng nararanasang pandemiya, dahil ito ang magsisilbi nilang sandata at kalasag tungo sa magandang kinabukasan.”

Bumaha naman ng mga positibong komento sa social media mula sa mga magulang at kapwa guro ni Teacher Lorena. 

Halos lahat at nagsabing saludo sila sa kabayanihan at dedikasyon nito sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang isang guro.

Read more...