GINULAT ni Jessy Mendiola ang netizens sa magandang kurba ngayon ng kanyang katawan with matching abs pa.
Sa kanyang Instagram account ay ipinost ni Jessy ang piktyur niya suot ang black mid-rib strapless top at green-moss gartered shorts.
Dahil sa nakaka-wow na katawan ni Jessy ngayon, curious tuloy ang netizens na malaman kung ano ang mga kinain niya para ma-achieve ang kanyang ideal weight and form.
“Today sa aking newest vlog, ipapakita ko sa inyo kung ano ang aking meals para ma achieve ko ang ideal weight ko! (the struggle is real lol),” caption ni Jessy.
Marami raw talaga ng nagtatanong sa kanya, through comments and messages sa kanyang social media accounts, kung ano ang kinakain niya para maging healthy at curious din ang iba na malaman kung ano ang laman ng kanyang refrigerator.
Kaya gumawa raw siya ng vlog about healthy food alternatives to help keep our body healthy & strong, especially during community quarantine.
Sa comment section ay nag-post ang boyfriend ni Jessy na si Luis Manzano na siya lang naman daw ang umuubos ng laman sa ref ni Jessy.
Sinang-ayunan naman ito ni Jessy sa kanyang reply kay Luis, “Totoo naman din.”
Mabuti na lang at may nag-comment na follower ni Jessy na “inuwi” ni Luis ang kinukuha niyang pagkain sa refrigerator ni Jessy. Or else, pwede silang pagdudahan ng netizens na nagsasama na sa isang bahay.
Sey ng netizen kay Luis, “HAHAHa! Balita ko inuwi mo ang sausage!!!”
Reply ni Luis sa bintang na inuwi niya ang sausage ni Jessy, “No comment. Wala naman nakakita.”
* * *
Malinaw ang pagkaka-explain ni Atty. Cynthia del Castillo sa Congress sa ginanap na hearing ng ABS-CBN franchise renewal ang tungkol sa Philipine Depository Receipts o PDR last Thursday.
Yung may mga hawak ng PDRs ng ABS-CBN Holdings ay wala raw karapatang magmay-ari o mamahala sa ABS-CBN at sila ay “passive investors” lamang.
“PDRs are purely financial instruments. Hindi po ito shares. Hindi po sila nakakaboto sa ABS-CBN Broadcasting at hindi po sila nakakapag-participate sa management ng ABS-CBN,” pahayah ni Del Castillo.
Paliwanag pa ng dating dekano ng Ateneo de Manila University School of Law, na magkaibang kumpanya ang ABS-CBN Corporation at ABS-CBN Holdings, at ang ABS-CBN Holdings ang siyang nag-iisyu ng PDRs.
Aprubado raw ito ng Securities and Exchange Commission (SEC) at naipasa nila ang lahat nang hinihingi ng mga ahensya ng gobyernong tumitingin at nagpapatupad ng mga regulasyon tulad ng SEC at Philippine Stocks Exchange (PSE).
Giit niya, dumepende sila sa mga permiso at lisensya na ibinigay ng SEC at PSE, hindi nila nilusutan ang Saligang Batas, at kanilang inilabas ng buo ang mga probisyon ng kanilang PDRs upang masuri ng mga awtoridad. At wala raw silang itinatago.
Sabi naman ni ABS-CBN president at CEO Carlo Katigbak, mabuti ang intensyon ng kumpanya sa pagkuha ng approval ng SEC bago ibinukas ang PDRs sa publiko noong 1999.
Sakali man daw ipagbawal ng SEC, ng korte, o ng Kongreso ang paggamit ng PDR sa buong industriya ng media ay susunod rito ang network.