HINDI na nakatiis si Jennylyn Mercado sa pangmamaliit sa kanya ng ilang netizens matapos maglabas ng saloobin tungkol sa mga nangyayari ngayon sa ating bansa.
Pinatulan na ng Kapuso Ultimate Star ang ilang bashers na nagsabing manahimik na lang siya at huwag nang makisawsaw sa mga isyu ng bayan dahil wala naman siyang alam.
Nagsimula ang panglalait sa girlfriend ni Dennis Trillo nang i-post niya ang mensaheng ito sa social media: “Mahal natin lahat ang ating bansa, kaya huwag kalimutan na meron tayong kakayahan at kalayaan na gamitin ang ating boses upang punahin at itama ang maling nakikita.”
Nakiusap din siya sa publiko na magkaisa at pangalagaan at ipaglaban ang freedom of expression.
Dito na nagsunud-sunod ang pagbatikos sa aktres at kahit wala naman siyang tinukoy tungkol sa pinag-uusapang anti-terrorism bill ay inakusahan siyang nagmamagaling sa batas kahit wala naman daw siyang nalalaman tungkol dito.
Isang netizen pa ang nagsabi sa kanya na artista lang siya at walang alam sa political issues sa bansa kaya pagtuunan na lang niya ng pansin ang anak niya at ang dyowang si Dennis Trillo.
Isa sa mga comment ng basher ang ipinost ng Kapuso actress na nagsabing, “Hi Jen. Sa totoo lang wala kang karapatan na magpost ng opinyon mo sa nangyayari.
“Hello wala kang alam. Artista ka lang. Umarte o kumanta ka na lang.”
Ito naman ang bwelta sa kanya ni Jennylyn, “Ano pong meron sakin at wala akong karapatan na gawin yun?
“Hindi po porket artista ay wala na kaming kalayaan upang iexpress ang sarili at gamitin ang aming plataporma para magbigay at mamahagi ng impormasyon.
“Ang limitasyon lamang duon ay siguraduhing credible ang ating pinapamahaging balita at may laman o sense ang ating mga pinopost.”
Hirit pa ng aktres, “Sana itigil na ng iba gumamit ng masasakit na salita at personal na atakihin ang pagkatao ng mga nakakasalamuha dito sa Social Media.
“I don’t hinder or stop you from sharing your opinion, so don’t tell me to stop from giving mine.
“Pasensya na po. Pero nakakalungkot na ang baba ng tingin ninyo sa mga artista at mga tao na hindi parehas ang paniniwala sa inyo. Ang dami ng negatibo na nangyayari sa mundo, huwag po sana tayo dumagdag dito.”
Hindi rin nagustuhan ng aktres ang mga nagkomento na hindi raw siya ang sumasagot sa mga haters at baka poser lang ito at nanawagan na huwag gamitin ang pangalan ng aktres sa politika.
Sagot ni Jennylyn, “Huwag mo naman maliitin ang kakayahan kong magcompose ng post.
“Kahit paano ay marami akong natutunan sa mga scriptwriters na nakasama ko sa taping. The admin and I handle this account.
“This is my page and if you don’t like it, it is okay to unfollow.”