Reklamo sa online transactions lumobo noong ECQ

LUMOBO ang bilang ng mga reklamo sa online transactions sa panahon ng enhanced community quarantine, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sa virtual hearing ng House committee on trade and industry kahapon, sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na mula Abril hanggang Mayo ay 8,059 ang bilang ng mga reklamo na kanilang natanggap.

Malayo ito sa 985 reklamo na naitala sa unang tatlong buwan ng taon.

Ang naitala umanong reklamo kaugnay ng online transaction sa unang limang buwan ng taon ay mas malaki pa sa 5,278 na naitala sa nakaraang apat na taon.

Sa 9,044 reklamo ngayong taon, 7,043 ang may kaugnayan sa Price Act (RA 7581).

“Price Act-related complaints, particularly on overpricing, substantially increased from 51 complaints received (in January to March) to 6,992 complaints (April to May),” ayon sa presentasyon ni Castelo.

“However, since products involved such as alcohol, face masks, etc., are not under the purview of the DTI, such complaints were endorsed to other agencies concerned such as the DOH (Department of Health) for appropriate action.”

Lumobo ang demand sa mga health-related products dahil sa takot sa coronavirus disease.

Tinanong ni Valenzuela Rep. Wes Gatchalian, chairman ng komite, si Castelo kung mayroong nakasuhan dahil sa natanggap na reklamo ng DTI.

“To answer that question, wala pa po. Most of the time either the complainant lacks interest to pursue especially if it’s a non-existent seller…there are a lot of times that the consumer buys from any page or online merchant without finding out kung sino po yun, the reputation, the track record, of kung saan mahahanap if there’s a problem later on,” ani Castelo.

Naresolba naman umano ang 588 reklamo.

Read more...