MATAPOS na mabigong magsumite ng bid para sa hosting ng 2030 Asian Games, sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na magbi-bid ang Pilipinas para maging host ng Asian Indoor Martial Arts Games (Aimag) at Asian Beach Games.
“We will definitely make a bid in these Games. Sports is a unifying force for the country as we had seen in our SEA Games hosting,’’ sabi ni Tolentino.
Sinabi ng Cavite representative at PhilCycling president na asinta ng bansa na i-host ang 2024 Asian Beach Games at 2025 Aimag. Nabigo ang POC na makapagsumite ng bid para sa 2030 Asian Games matapos na hindi umabot sa deadline noong Abril.
“To be honest, hosting the Asian Games is a lot more difficult. We prefer to host a less challenging version like the Aimag and Asian Beach Games,” sabi pa ni Tolentino.
Nakuha ng Hangzhou, China ang 2022 edisyon ng Asian Games habang ang 2026 Asiad ay gaganapin Nagoya, Japan.
Binuksan ng Olympic Council of Asia (OCA), ang chief organizer ng Asian Games, ang bidding para sa 2030 Asiad ngayong taon bago pa nanalasa ang coronavirus pandemic sa buong mundo.
Sa kasalukuyan ay wala pang abiso ang OCA at organizers ng 6th Asian Beach Games na gaganapin ngayong Nobyembre 28-Disyembre 5 sa Sanya City, China kung itutuloy ito.
“I’m certain that strict protocols will be in place once it pushes through,” ani Tolentino.
Ang susunod na Aimag ay gaganapin sa Bangkok at Chonburi sa Thailand sa Mayo 21-30, 2021.