ARESTADO ang isang lalaki nang makuhaan ng mahigit P2.54 bilyon halaga ng hinihinalang shabu sa General Trias City, Cavite, kagabi.
Naaresto si Muad Romorus Abedin Mangotara sa buy-bust operation sa tinitirhan niyang subdivision alas-8:30, ayon kay PNP chief Gen. Archie Gamboa.
Isinagawa ng PNP Drug Enforcement Group (DEG) at Cavite provincial police ang operasyon sa Somerset 9 Subdivision, Brgy. Navarro.
Nakuhaan si Mangotara ng 374 pakete na may lamang tig-iisang kilo ng umano’y shabu.
Narekober din sa kanya ang dalawang P1,000 marked money at pekeng P998,000 na ginamit ng mga operatiba para “ipambili” ng droga.
Naganap ang operasyon isang linggo lang matapos masabat ng DEG ang 828 kilo o P5.63 bilyon halaga ng shabu sa isa pang buy-bust sa Marilao, Bulacan.