Ilang ‘sikreto’ ni Anita Linda ibinuking ni Osang: Umiiyak siya kahit madaling-araw

MARAMI palang pelikulang pinagsamahan sina Rosanna Roces at ang batikan at premyadong aktres na si Ms. Anita Linda.

Pumanaw na ang award-winning actress (Alice Lake sa tunay na  buhay) kahapon ng umaga sa edad na 95 years old, kaya naman nagluluksa ngayon ang buong industriya ng showbiz. Kanya-kanyang post sa social media ng mensahe ng pakikiramay ang mga artistang nakatrabaho ng aktres.

Naka-chat namin si Osang ilang oras matapos niyang malamang wala na si Ms. Anita at sobra siyang nalungkot dahil marami raw siyang mami-miss lalo na ang pagkukuwentuhan nila tungkol sa buhay-buhay.

“Sa ‘Presa’ kami naging close talaga lahat kami doon umani ng award pero kami lang nagka-Urian (trophy). Halos lahat ng movie ni Adolf (Alix) nandu’n kami,” kuwento sa amin ni Rosanna.

Aniya, mananatiling buhay ang alaala ng veteran actress sa kanyang isip at puso, “Marami akong mami-miss sa kanya, sa ‘Presa’ initiman buhok n’ya roon para magmukhang matapang siya, eh inabot ng 4 a.m. ang shoot sabi n’ya talaga sa akin, ‘Rosanna, mag-alburoto ka na tapos mag-walkout ka kasunod mo ako gusto ko na umuwi! Kaya siya iritable kasi kinulayan buhok nya ayaw n’ya kasi ang tigas at makati sa anit.

“Natawa lang ako kasi hindi kami pwedeng basta umalis kasi nasa Correctional kami. Big scene kasi may bangkay sa eksena tapos umiiyak na si Daria Ramirez tsaka n’ya ko sinabihan,” lahad pa ni Osang.

“Sa pelikulang ‘Padre de Familia’ naman kausap ko, nagsesermon nu’ng lumapit yung AD (assistant director), nagbingi-bingihan s’ya. Ganu’n ginagawa n’ya pag ayaw n’ya ang kausap nya.

“Sa ‘Isda’ (isa pa nilang pelikula) naman 3 a.m. na nakababad kami sa tubig dahil may hinuhuli kaming isda na natatawa na ako nang sobra kasi hindi namin mahuli-huli pero dahil s’ya kaeksena ko kailangan kong umayos, ending mas malakas pa tawa n’ya sa akin.

 “Tapos nalimutan ni Evelyn Vargas linya n’ya, sumigaw siya, ‘Direk oh, si Evelyn Vargas hindi alam linya n’ya! Sabay ni-recite n’ya lahat ang linya namin na-involve siya sa eksena tulala kami kabisado niya lahat.  Kaya pag s’ya kaeksena super aral kami.

 “Siya rin nagsabi sa akin na mag-produce kaya nagawa ang ‘Guro’ siyempre sinama ko siya roon,” mahaba pang kuwento ng aktres.

Sa pelikulang “Circa” (2019) huling nagkasama sina Rosanna at Ms. Anita, “Huli ko siyang nakasama sa ‘Circa’, mahina na talaga ang pandinig n’ya, hindi na rin nakakalakad, mainitin na ulo n’ya naka-diaper na kasi tapos hindi n’ya madinig si direk (Adolf Alix).

“At kwento nu’ng PA n’ya nabubuhayan daw pag may bagong project tapos pina-practice n’ya pati pag-iyak sa madaling araw,” pagbabalik-tanaw pa ni Osang.

Inaalala rin ni Osang ngayon ang best friend ni Ms. Anita na lagi niyang kausap, si Ms. Perla Bautista, “Ang BFF niya si Tita Perla, s’ya ang inaalala ko ngayon. Tiyak na durog na durog siya ngayon.”

Samantala, nag-post si Osang ng mga larawan nila ni Ms. Anita na may caption na, “Tita lalong pinalungkot ng pagpanaw mo ang araw na ito.  Mami-miss ka namin nila Direk Adolfo Borinaga Alix Jr, naming lahat, grabe. Dami nating pinagsamahan. Rest in peace, tita Anita Linda.”

For the record, narito ang mga pelikulang pinagsamahan ng yumaong veteran actress at ni Osang: Manila (2009), Isda (2011), Mater Dolorosa (2012), Madilim ang Gabi (2017), Padre de Familia (2015), Presa (2011), Circa (2019) at ang Guro (2017).

“Kulang pa yata ‘yan, hindi ko na matandaan ang iba,” sabi pa sa amin ni Osang.

Read more...