MAGLALAGAY umano ng mekanismo ang Kamara de Representantes sa panukalang Bayanihan II upang matiyak na hindi na mauulit ang mga pagkakamali sa pamimigay ng social amelioration program sa Bayanihan I.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano gagamitin ng Kongreso ang oversight power nito upang hindi na maulit ang pagkakamali ng nakaraan.
“We want also to ensure that SAP will be given to all Filipinos who need it most. We respect and acknowledge the tremendous work done by the departments involved, but our citizens cannot afford to wait that long. There must be a better way, and together we will find it,” ani Cayetano.
Naniniwala si Cayetano na mas magiging maganda ang Bayanihan 2 (HB 6953) na naglalayong tulungan ang mga naapektuhan ng coronavirus disease 2019.
Inaprubahan na ito ng House committee of the Whole bago mag-adjourn noong Sabado.
“Habang ang buong bansa ay naghahanda sa pag pasok ng new normal, abala po ang buong gobyerno – kasama na ang Kongreso – sa paghahanap ng mga paraan upang mapaghandaan ang mga pagsubok na haharapin natin,” ani Cayetano.
Mahalaga umano na matuto sa leksyon ng nakaraan para mas maganda ang serbisyo ng gobyerno sa tao.
“Now we must take the hard lessons we have learned the past months and apply it in the testing, tracing, and treatment of patients in order to escape the threat of a more devastating second wave,” saad pa ni Cayetano.
Sa ilalim ng House 6953 magkakaroon ng emergency subsidy sa mga mahihirap na pamilya, overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho, no-work-no-pay individuals gaya ng freelancers at self-employed individuals.
“Ang ating mga OFWs, na matagal na nating inaasahan dahil sa kanilang napakalaking contribution sa ating ekonomiya, ay naghihirap ngayon. Marami ang umuuwi dahil sa kakulangan ng trabaho sa ibang bansa,” dagdag pa ni Cayetano. “Dapat masigurado natin na hindi sila mapapabayaan ngayong sila naman ang nangangailangan.”
Mayroon ding probisyon sa panukala para sa P10,000 mga nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng COVID-19.