Marcial: Pagbabalik ng PBA, magbibigay pag-asa sa mga Pinoy

Nakipag-ugnayan na ang Philippine Basketball Association (PBA) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at maging sa Games and Amusements Board (GAB) para payagan na ang mga koponan na makapag-ensayo sakaling ibaba sa modified general community quarantine (MGCQ) ang estado sa Metro Manila.

Pero giit ni PBA commissioner Willie Marcial, hindi gagalaw ang liga hanggang walang pahintulot mula sa gobyerno.

Umaasa si Marcial na mapapayagan na ang PBA na magkaroon ng team practice sa buwan ng Hulyo para maipagpatuloy na nito ang naantalang Philippine Cup sa Agosto. Sakaling payagan na silang magbalik sa paglalaro ay inaasahan ni Marcial na kakaunti lamang ang makanonood ng mga laro dahil 50% lamang ang papayagan na makapasok sa playing venue.

Ani Marcial, hindi na inaalintana ng PBA kung malulugi man ang liga sa taong ito. Ang mahalaga, aniya, ay makabalik ang PBA sa paglalaro dahil ito ay magsisimbulo ng pag-asa para sa mga Pilipino.

“Ang mahalaga ay makalaro tayo at makapagbigay ligaya sa fans,” sabi ni Marcial sa online forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Martes ng umaga.

“Kapag nakalaro na ang PBA, parang ito na ang pag-asa. yung ‘andito na ang PBA, medyo OK-OK nang lumabas’. Ang importante ay nagbibigay tayo pag-asa sa lahat, hindi lang sa sports, nagbibigay tayo ng saya dahil marami na ang nananabik sa basketball.”

Inamin ni Marcial na sa tigil-operasyon ang liga ay mahigit P30 milyon ang nawawala sa kanilang kita kada buwan mula sa gate receipt, television earnings at sponsorship.

Dagdag pa ni Marcial, wala na munang Governors Cup at Commissioner’s Cup sa season na ito dahil, aniya, mahihirapan ang mga koponan sa pagkuha ng mga import bunga ng quarantine protocol at health risk. Wala na rin umanong gaganaping All-Star Weekend sa taong ito.

“Pag gumaganda na ang sitwasyon ng Pilipinas, gumaganda na rin ang sitwasyon ng PBA,” sabi ni Marcial. “Disiplina talaga ang kailangan natin.”

Read more...