ANG mga saleslady sa isang mall sa Quezon City ay exploited na sa umpisa pa lamang ng kanilang kontrata. Ang bawat pagkakamali ay may katapat na parusa, pagkaltas sa suweldo at bayad. Minsan, halos wala nang natitira sa kanilang kakarampot na suweldo.
Ang masaklap, pinagnanakawan sila sa loob mismo ng mall pero hindi puwedeng magreklamo sa mga guwardiya, at lalong hindi puwedeng magsumbong sa pulisya. Ang nakawan ay nagaganap sa locker area. Sa mga locker iniiwan ng mga saleslady ang kanilang bag, cell phone at pera. Bawal ang pagdadala ng cell phone at wallet sa work area. Puwedeng magdala ng kandado ang mga saleslady, pero hindi ang kandadong de-susi. Ang kawatan sa loob ng mall ay may picklock. Imbes na hulihin ng mall ang kawatan, ang iniutos nito ay magdala ng de-numerong kandado ang mga saleslady, yung rolyo at hindi yung pinipindot na mga numero. Isang saleslady ang nawalan ng P5,000 at dalawang cell phone. Ang karamihan ay nawawalan ng P200 (panggastos sa isang araw) at cell phone. Malinaw na taga-loob ang tirador. Walang closed-circuit television camera sa locker area at mainit dito. Bakit hindi tiktikan ang magnanakaw? Bakit hindi hulihin ang magnanakaw? Kapag work hours, ang tanging nakapapasok sa locker area ay ang mga bisor. Bakit bawal magsumbong ang mga biktima?
Bakit napakalaki ang pork barrel sa Batanes, na umabot ng P92.5 milyon, gayung 16,000 lang ang populasyon ng distrito? Ano ba ang itatayo sa Batanes para kokonting tao? Sesementuhin ba ang mga bundok dito o patataasin pa ang mga bundok? Ang ganito kalaking pork barrel sa mga simpleng namumuhay ay pambili ng semento na.
Nakamasid ang mga sundalo sa, ayon sa kanila, ay sobrang “pansin” ni Pangulong Aquino sa National Police. Ang susunod na biyaya ay mahahabang armas, tulad ng M16 at M14 assault rifles. Naglaan na rin ng milyones na pondo para kumpunihin ang sira-sirang himpilan at presinto. May mga pabahay din ang mga pulis (pero hindi ito pinapalagan ng mga sundalo). Bumubuhos ang pera sa PNP. Ganito rin ang nangyari sa panahon ni Gloria Arroyo. Binuhusan ng pera ang PNP pero hindi nakita kung saan napunta ito. Basta ang nangyari, at tila nangyayari na rin ngayon, ang mga asawa ng mga opisyal ay umasenso na ang pamumuhay at pamamahay. Pera ng taumbayan ang ibinubuhos sa PNP. Para apihin at abusihin ang taumbayan? Walang ganitong nangyayari sa Armed Forces. Oo nga pala, ang PNP pa rin ang pangunahing lumalabag sa karapatang pantao, araw-araw (heto ang perang ibubuhos: inilabas na ng DBM ang P2.86 bilyon para sa “police capability enhancement” at plano ng Malacañang na maglabas pa ng P71.95 bilyon para sa operasyon ng PNP, suweldo at bibilhin sa 2014. Maglalabas din ng P9.54 bilyon ang Department of Interior ang Local Government).
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Maluwag na ang daloy ng trapiko sa Divisoria at Quiapo. Nakalimutan naman nina Mayor Erap at Vice Isko ang Kalentong at New Panaderos sa Santa Ana. Sa Kalentong, sa may Puregold, nasa gitna ng kalye, sa tapat ng barangay, ang terminal ng jeepney. Napakalakas ng sindikato dito dahil hindi kaya nina Erap at Isko. …4511
Sir Lito, bantayan sana ng Bandera ang Cagayan de Oro City bombing. Mukhang inililigaw ang imbestigasyon at ang utak ay tumatawa lang. Kapag ganito ay hindi na kami magnenegosyo sa Cagayan de Oro. …8022.
Bakit pinagbibitiw kaming mga opisyal ng Customs dito sa Mindanao? Wala namang ginagawang imbestigasyon sa amin, bakit kami ang pinag-iinitan ng kapalpakan diyan sa Maynila? …2122
Ang BBC special report tungkol sa Pilipinas, na pinamagatang “Toughest Place to be a Bus Driver,” ay totoo. Sana’y pinanood ito ng Malacanang. Talamak ang kahirapan at ang report ay napanoon ng buong mundo. …7622