Sikat na female celeb namigay ng cash sa ilang kaibigan kahit kinakapos din

AKALA nami’y nagbibiro lang ang aming source nang ikuwento nito sa amin na nu’ng kasagsagan daw ng lockdown ay maraming pinadadalhan ng ayuda ang isang popular na female personality.

    Nakakapagdalawang-isip kasing paniwalaan ang kuwento dahil palaging napapabalita na hindi na tulad nang dati ang estado ng kanyang pampinansiyal na sitwasyon.

    Palagi raw siyang kinakapos sa pera, kaya nanghihiram siya sa kanyang mga kasamahang artista, palaging ganu’n ang lumulutang na balita tungkol sa magaling na aktres.

    Pero sumusumpa ang aming kausap, maging ang mga natulungan ng female personality, totoo raw na nagpapadala siya nu’n ng tulong sa kanyang mga kaibigang walang-wala nang mapagkukunan.

    Kuwento ng aming source, “‘Yung mga taong mahal niya at talagang naging loyal sa kanya, e, pinadalhan niya ng tulong. Cash ang ipinadadala niya.

    “Totoo namang hindi na siya kasingyaman nang dati, pero hindi pa naman siya sayad na sayad, paano naman siya tutulong kung walang-wala rin siya?

    “May isang kaibigan akong nakatanggap ng tulong mula sa kanya, nasa probinsiya ang friend ko, hiningan niya ng tulong si ____ (pangalan ng aktres).

    “Hindi na siya umaasang sasagutin siya dahil matagal na silang hindi nagkikita, saka wala ring work ngayon ang female personality, di ba?

    “Pero laking-gulat ng friend ko, sumagot ang tinext niyang hinihingan ng tulong, kinuha ang address niya! Nu’ng araw ring ‘yun, natanggap niya ang ayuda ng female personality, kinuha niya sa isang money courier!

    “Nakakatuwa siya, di ba naman? Kahit hindi naman siya kasingyaman ng ibang mga artista d’yan, e, nakuha pa rin niyang mag-share ng kung anumang meron siya.

    “Sabi nga ng kaibigan ko, e, hinding-hindi raw niya makakalimutan ang tulong na ibinigay sa kanya ng female personality.

    “Sa mga panahon nga namang kailangang-kailangan nating ng tulong, may mga anghel na walang pakpak na dumarating. Nagkakaroon ng himala!” madiing pagtatapos ng aming source.

Read more...