NANANATILING kuwestyunable ang pagmamay-ari ni Gabby Lopez sa ABS-CBN dahil sa kanyang dual citizenship.
Sumentro ang pagtatanong ni House Deputy Majority Leader at Cavite Rep. Crispin Remulla sa paggamit ni Lopez sa kanyang American passport at Filipino passport.
Giit ni Remulla mahalaga ang allegiance ng isang tao sa interes ng taumbayan.
“Ang problema ho sa dual allegiance ay simpleng simple, pagka hindi magkasundo ang dalawang bansa ay papipiliin ang tao pagdating ng panahon at nagkaroon po tayo ng nakaraan sa kasaysayan na halos 20 porsyento ng ating populasyon ay nilagas ng Amerika, pinatay po ang ating mga kababayan noong Fil-American war kaya ito ho ay hindi malayong usapin, ito po ay nasa kasaysayan,” ani Remulla sa joint hearing ng House committees on legislative franchise at on good government and public accountability.
Sinabi ni Remulla na tuwing ginagamit ni Lopez ang kanyang US passport sa kanyang mga biyahe malinaw na kumukuha ito ng proteksyon bilang citizen ng Amerika.
“Under international law, a person carrying a passport of the United States is under protection by the U.S. government and that is a declaration to the world that you are a citizen of America,” dagdag pa ng solon.
Noong 2001 lamang kumuha si Lopez ng Philippine passport.
Sa pagtatanong naman ni Dumper PTDA party-list Rep. Claudine Diana Bautista inamin ni Lopez na nakadepende ang gagamitin nitong pasaporte sa bansa na kanyang pupuntahan.
Sinabi ni Lopez na ginagamit nito ang kanyang Philippine passport kapag bumibiyahe sa ASEAN countries para hindi na kailangang kumuha pa ng visa at ang kanyang American passport kapag pupunta sa Amerika at Europa.
Samantala, sinabi naman ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta na hindi ipinaalam ng mga magulang ni Lopez sa embahada ng Pilipinas sa Amerika ng ito ay ipinanganak kaya wala itong Filipino birth certificate.
Naisipan lamang umano ni Lopez na asikasuhin ang kanyang pagiging Filipino sa pamamagitan ng pagkuha ng Philippine passport 40 taon makalipas siyang ipanganak.
Sa ilalim ng Konstitusyon ang pagmamay-ari ng mass media ay limitado lamang sa mga Filipino. Wala namang nakasaad doon kung maaari ang isang dual citizen.
Tinapos na ang pagdinig sa citizenship ni Lopez at sumunod na tinalakay ang Philippine Depository Receipt ng ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.