Gagawing ‘closed-door’ ang pro boxing, MMA sa Pinas

Ang mga laban sa professional boxing, mixed martial arts at iba pang contact sports sa Pilipinas ay gagawin sa mga closed-door venue.

Ito ang isa sa mga proposal ng Games and Amusements Board (GAB) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Nakipagpulong ang GAB sa iba’t ibang professional sports organization at stakeholders sa bansa para mabuo ng ‘Proposed Framework for the Resumption of Professional Sports in the Philippines in Anticipation to the New Normal’ na isinumite ng ahensiya sa IATF-EID noong Sabado.

Pinangunahan nina GAB chairman Baham Mitra (kanan) at GAB commissioner Eduard Trinidad ang pagpupulong noong sabado para plantsahin ang planong pagbabalik ng pro sports sa bansa.

Sa naturang 59-pahinang dokumento ay ibinalangkas nina GAB chairman Abraham ‘Baham’ Mitra; mga commissioner na sina Eduard Trinidad at Mar Masanguid; boxing chief Dr. Jesucito Garcia; medical section chief Dr. Redentor Viernes; horse betting division chief Marissa So; pro basketball chief Dioscoro Bautista; at mga kinatawan ng Philippine Basketball Association (PBA) at Philippine Football Federation (PFF) sa layuning maisayos ang pagbabalik ng pro sports event sa bansa.

Mula nang ideklara ang enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa ay pansamantalang itinigil ang pagsasagawa ng mga professional sports at ngayong nasa general community quarantine (GCQ) ang malaking bahagi ng bansa ay naghahanda na ang GAB sa pusibleng pagbabalik ng mga laro.

Layunin din ng proposal na matulungan ang IATF-EID sa kanilang pag-aaral at pagbabalangkas ng programa para masigurong ligtas sa pagkalat ng COVID-19 ang mga atleta at publiko sa pagbabalik ng mga pro sports event tulad ng basketball, boxing, muay thai, mixed martial arts, motocross, triathlon, gayundin ang amusement games na horse racing at sabong.

“We are in close coordination with the different professional sports bodies. PFF submitted its operational protocols last week, while PBA submitted its own health and safety guidelines last Friday. PFF is proposing to adopt a ‘No spectators rule’ and to shorten football conferences,” pahayag ni Mitra.

“This initiative is also being done by other industries. We are hoping that DOH and IATF will consider our proposal and the health and safety protocols incuded therein , in order to help our professional athletes and their families survive this trying time in our nation’s history.”

Nauna rito ay naisumite na ni Dr. Viernes ang kopya ng GAB General Medical Guidelines and Health Declaration Form sa Department of Health (DOH) para sa inisyal na pag-aaral sa naturang proposal.

Read more...