THANKFUL at feeling grateful si Sen. Bong Revilla, Jr. dahil maayos na uli ang kundisyon ngayon ng amang si former Sen. Ramon Revilla, Sr..
Sa recent video ng actor-politician na ipinost sa kanyang Facebook page, panay ang pasasalamat niya sa lahat ng mga nagdasal para sa paggaling ng kanyang ama.
“I just want to take this opportunity para magpasalamat sa inyong lahat dahil napakaganda po ng nangyari a aking ama.
“He’s doing very well at ‘yun pong ventilator niya unti-unti na pong tatanggalin,” bungad ni Sen. Bong sa video.
Gumanda na raw kasi ang findings sa katawan ng Daddy Ramon niya at lahat ng vital signs ay okey na rin.
“Kumbaga, lahat po, doing great. Even the blood pressure, even yung heart niya. Imagine, ‘yung heart niya dumating sa 20% lang ang nagpa-function.
“But ngayon, normal na siya lahat. Kaya talagang God is good. Kaya po ang pasasalamat ko po sa lahat po ng ating mga prayer warriors,” sambit pa ni Sen. Bong.
Nagpasalamat din siya dahil hindi pinabayaan ang kanyang Daddy Ramon ng mga doktor na nag-alaga sa kanya.
“Kanina, although may tube siya, pero makikita sa video, talagang makikita mo sa kanyang ngiti, sa kanyang mata na yung will to live nandoon po. Talagang lumalaban siya. Damang-dama niya ‘yung pagmamahal ng bawat isa.
“At sinasabi ko rin po sa kanya na ‘yung mga nagme-message sa Facebook sa kanya, pinaparating ‘yung mga prayers at pagmamahal para sa kanya.
“At ‘yun ang nagbigay lakas-loob sa kanya. Maliban doon syempre sa pagmamahal din naming magkakapatid. Alam n’yo naman marami akong kapatid,” natawang sabi ni Sen. Bong.
Ang saya-saya nga raw nilang magkakapatid sa pagbuti ng kalagayan ng kanilang ama.
“Yung agimat ni Ramon Revilla talagang gumagana pa rin. Siyempre, ‘yung agimat na ‘yon, sa Taas (Diyos) ‘yon,” aniya pa.
Hiling lang ni Sen. Bong ay patuloy pa rin na ipagdasal ang kanyang ama hanggang hindi pa raw tuluyang natatanggal ang tubo sa katawan nito.
“Although nakikita natin na unti-unti nang pinalalakas ang kanyang lungs para he can breath on his own. Kumbaga talaga, yung mga doktor sa totoo lang hanggang ngayon hindi siya makapaniwala na ‘yung tibay ng aking tatay, 93 years old, ha. Pero nakayanan niya ang labang ito,” masayang sabi pa ni Sen. Bong.