MAPAPASABAK na muli sa aksyon ang Philippine Azkals matapos na ilatag ng Asian Football Confederation (AFC) ang kanilang mga rescheduled na laro para sa 2022 World Cup Qualifying at 2023 AFC Asian Cup ngayong Oktubre at Nobyembre.
Ang pagluwag sa mga quarantine rules sa iba’t ibang bansa ang nagbunsod sa AFC na maglatag ng petsa kung kailan magpatuloy muli ang kumpetisyon kung saan ang Azkals ay may laban pa para makapasok sa ikatlong round.
Orihinal na naka-schedule noong Marso 26, ang laban ng Azkals kontra Guam ay gaganapin sa Oktubre 8. Gayunman, hindi pa nakakapagdesisyon ang Philippine Football Federation (PFF) kung saan ilalaro ang mga laban nito dahil hindi pa inaalis ng pamahalaan ang restriksyon sa mga contact sports.
May dalawa pang laro ang Azkals na isasagawa sa Nobyembre at ito ay kontra China sa kanilang away match sa Nobyembre 12 at Maldives sa kanilang home game sa Nobyembre 17.
May tsansa pa ang Azkals na umabot sa ikatlong round sa unang pagkakataon bilang isa sa apat na pinakamahusay na second placed team sa qualifiers.
Ang laban kontra China ang magpapasya sa magiging kapalaran ng Azkals dahil ang dalawang koponan ay parehong may pitong puntos sa apat na laban.
Nakapagsagawa na ang Chinese team ng ilang training camp matapos ang coronavirus pandemic sa kanilang bansa habang ang Azkals ay nakapahinga pa rin magmula nang magkaroon ng lockdown noong Marso.
Tinututukan naman ni Azkals coach Scott Cooper ang kalagayan ng kanyang mga players, na ang karamihan ay naglalaro sa Thai League at Philippines Football League (PFL). Ang Thai League ay magsisimula sa Setyembre habang ang PFF ay umaasa naman na papayagan ng gobyerno na masimulan ang PFL ngayong Hulyo.
Inaasahan naman na isasama ni Cooper si Michael Kempter sa koponan matapos na payagan ng Fifa ang Filipino-Swiss defender na magpalit ng sporting nationality. Si Kempter ay naglaro sa Switzerland youth team.