SA naganap na pagdinig sa Kamara kamakailan tungkol sa ABS-CBN franchise bill, lumalabas na si ABS-CBN Corporation Chairman Emeritus ay isang dual citizen. Siya ay Filipino at isa rin siyang American citizen.
May naging katanungan tuloy kung may paglabag ba sa Constitution kung ang may-ari o nangangasiwa (ownership or management) ng mass media, gaya ng ABS-CBN, GMA Network, at iba pa, ay isang dual citizen.
Klaro ang Constitution (Article 16, Section 11) na ang pagmamay-ari at pangangasiwa (ownership and management) ng mass media ay limitado lang sa mga Filipino citizens o mamamayan ng Pilipinas (citizens of the Philippines) o sa corporation, cooperative o association na 100 percent na pag-aari at pinangangasiwaan ng Filipino o mamamayan ng Pilipinas.
Ang Filipino citizen ay masasabing isang generic. Ito ay maaaring tumutukoy sa mga natural born Filipino o yung mga pinanganak na Filipino na. Maaari rin itong tumukoy sa mga naturalized Filipino o yung mga naging Filipino citizens na dumaan sa prosesso na itinakda ng batas. Kasama na rin dito ang mga dual citizen o yung mga Filipino pero sila ay citizen din ng ibang bansa. Sa pangkalahatan, sila ay maituturing na Filipino (Philippine) citizens.
Dahil ang sinabi, tinukoy at ginamit ng Constitution ay Filipino citizens (citizens of the Philippines) at hindi ito nagbigay ng pag-uuri o pagkakaiba (distinction) kung anong klaseng Filipino citizen ang pwede lamang mag may-ari at mangasiwa ng mass media, maituturing na ang lahat ng uri ng Filipino citizens ay kasama sa binabanggit ng Constitution.
At kasama na rito ang mga dual citizens, naturalized citizens at natural born citizens.
Ang panuntunan (rule) sa pag interpret ng batas (statutory construction) ay kung walang ginawang pagkakaiba o pag-uuri ang Constitution kung anong klaseng Filipino ang dapat lang mag may-ari at mangasiwa ng mass media, hindi tama na bigyan ito ng pagkakaiba.
Wala rin batas na umiiral ngayon na nagbabawal na maging may-ari o mangasiwa ng mass media ang isang Filipino na may dual citizenship.
Hindi naman maaaring magpasa ng batas ang Kongreso para limitahan lang sa mga natural born Filipino citizens ang pag mamay-ari at pangangasiwa ng mass media dahil ito ay lalabag sa Constitution.
Walang karapatan ang Kongreso na palitan ang nasasaad sa Article 16, Section 11 sa pamamagitan lamang ng pagpasa ng isang batas.
Para ito ay mabago at mapalitan kakailanganin amyendahan ito alinsunod sa tinakda ng Constitution.