Panawagan ni Poe red tape tanggalin para e-learning maging epektibo

NGAYONG nakasalalay sa Internet ang edukasyon ng milyon-milyong estudyante dahil sa banta ng coronavirus disease (COVID-19), dapat tiyakin ng pamahalaan na madagdagan ang cell sites sa iba’t ibang panig ng bansa.

At dahil ang dating normal ay napalitan na ng sinasabing “new normal” na ang mga bata ay mag-aaral sa pamamagitan ng Internet, tama lang naman ang panawagan ni Senator Grace Poe kay Pangulong Duterte na kung pwede lang ay atasan ang mga ahensiya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan na tanggalin yung mga balakid o red tape para mapabilis ang pagtatayo ng mas maraming cell sites sa bansa.

Mahalaga na matiyak ng ating pamahalaan na magiging maayos ang interconnectivity ng bawat tahanan para na rin sa kapakanan ng marami nating mag-aaral na sasabak sa bagong normal na uri ng edukasyon.

At isa na ang apela ni Poe sa pamahalaan na dapat pagtuunang ng pansin para matiyak na magiging maayos ang koneksyon ng Internet sa bansa.  Tamang alisin ang lahat ng nagiging sagabal sa konstruksyon ng mga imprastraktura na maghahatid ng mabilis at maayos na internet connection sa bansa.

Base sa pagtaya ni Poe, na siyang chairman ng Senate Committee on Public Services, aabot sa kabuuang 50,000 cell sites ang kinakailangang mapatayo sa buong bansa.

Nauna nang inamin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na aabot lamang sa kabuuang 20,000 tower ang naitayo sa Pilipinas kumpara sa 70,000 ng Vietnam.

Idinagdag ni Poe na kailangan ding matiyak na susunod sa safety and environmental standards ang mga itatayong cell sites.

Base sa pinakahuling Speedtest Global Index, pinamabagal ang Internet speed sa Pilipinas kung saan aabot lamang sa average na 21 Megabites per second (Mbps), napakalayo sa pandaigdigang average na 74.74 Mbps.

Dahil sa kabagalan ng Internet natin dito sa Pilipinas, nasa ika-110 pwesto tayo, at ang pinag-uusapan dito ay 174 na bansa.

Suportado rin ni Poe ang inclusive common cell tower policy para matiyak ang kompetisyon sa pagbibigay ng mas mabilis at murang Internet.

Naniniwala si Poe na mapapabilis ang pagtatayo ng mga cell sites kung si Duterte mismo ang mag-uutos tanggalin ang red tape sa pagtatayo ng mga bagong tower.  At sana lang ay makinig ang pangulo sa hiling na ito ng senador.

Si Poe ay co-author ng Republic Act 11032 o Ease of Doing Business Act, na nag-aatas sa mga LGUs na alisin ang napakatagal na proseso sa pag-apruba ng mga permit at lisensiya sa pagtatayo ng mga cell tower.

Pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang essential telecommunications work, kasama na ang pagtatayo ng cell sites, sa kabila ng lockdown.

Umapela rin si Poe sa mga telcos na pumirma ng kasunduan sa gobyerno para suportahan ang online teaching bilang bahagi ng new normal.

Dahil sa patuloy na banta ng COVID-19, best option ang online education para sa tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga mag-aaral.

Read more...