Roach pabor sa Pacquiao-Golovkin fight

BOXING trainer Freddie Roach (kanan) kasama sina Manny Pacquiao at Bob Arum.

HINDI man si Freddie Roach ang pangunahing tauhan sa corner ni Manny Pacquiao sa kasalukuyan hindi naman maikakaila na naging malaking tulong siya sa karera ng Filipino boxing superstar.

Magmula nang magsimula ang kanilang samahan noong 2001, si Pacquiao ay kinikilala na bilang isa sa mga all-time boxing greats kung saan nagwagi siya ng mga titulo mula sa super bantamweight hanggang light middleweight division.

Kaya naman hinuhulaan ni Roach na posibleng umakyat ang Pinoy fighter na kilala sa tawag na ‘Pacman’ sa ibang weight class para makasagupa ang isa sa pinakasikat na pound-for-pound sensations ng dekada 2010.

Sa panayam ng Boxing With Chris Mannix ng DAZN, sinabi ng Hall of Fame trainer na mas mainam na makasagupa ni Pacquiao si IBF World middleweight champion Gennady Golovkin kaysa idepensa ang kanyang WBA Super World welterweight title laban kay Mikey Garcia.

“One thing about Manny, he doesn’t just want to beat anybody he wants to beat the best out there,” sabi ni Roach. “He wants to fight the top guys. I like that fight.”

Bagamat ang chief trainer ni Pacquiao ngayon ay ang kababatang si Buboy Fernandez may boses pa rin si Roach sa kanyang corner.

Ang laban kay Golovkin ay siguradong mabenta para kay  Pacquiao na naging World champion sa pitong weight classes nang talunin si Miguel Cotto para sa WBO welterweight title noong 2009 at naging eight-division champion nang magwagi kontra Antonio Margarito para sa WBC super welterweight crown noong 2010.

“But the thing is, Manny might want to go a little bit higher and fight GGG or one of those guys who’s supposed to be the best. I would not advise him to go to 160 pounds, no. That would be a little crazy. But putting him at 147 was a risk at one time … and it worked out really good for us,” sabi pa ni Roach.

Si Pacquiao, na may taas na 5-foot-5 1/2, ay sinimulan ang boxing career sa light flyweight division bago tumuntong sa mas mabigat na mga weight class kabilang na ang pag-uwi ng 154-lb title nang daigin ang 5-foot-11 na si Margarito.

Bagamat nagwagi ng mga titulo sa iba’t ibang dibisyon, si Pacquiao ay patuloy na namamayagpag sa welterweight division at sa edad na 41-anyos ay nagawa niyang mapanatili ang kondisyon ng kanyang katawan sa nasabing weight class.

Gayunman, naniniwala si Roach na kaya ni Pacquiao ang 5-foot-10 1/2 na si Golovkin para mauwi ang IBF 160-lb title.

“Pacquiao still desires to be the best there is,” dagdag ni Roach.

Maliban sa pagiging boksingero, naging politiko rin si Pacquiao matapos mahalal bilang senador noong 2016 at naghahangad din siya na magsilbi bilang pangulo ng Pilipinas.

“He wants to make his country better, and he wants to improve everything … He works hard, and he’ll do the best he can for everybody out there. I think he’s good for the country, and I think he’d be a great president. I’d vote for him,” sabi pa ni Roach.

Read more...