NAKIUSAP ang Kapamilya actress na si Angel Locsin sa Philippine National Police na palayain na ang mga jeepney driver na naaresto kamakailan.
Konsiderasyon at pang-unawa ang kanyang hiling sa PNP lalo na sa mga pulis na humuli at nagkulong sa anim na driver na “nag-rally” sa Monumento, Caloocan City.
Nagsama-sama kasi nitong nagdaang Miyerkules ang mga driver ng jeep para manawagan sa pamahaalan na payagan na silang pumasada uli dahil walang-wala na silang magastos para sa kanilang nagugutom na mga pamilya.
Humihingi rin sila ng ayuda makalipas ang halos tatlong buwan ng hindi pamamasada dahil sa ipinatupad na lockdown sa Metro Manila.
Sa kanyang Instagram story, nakiusap si Angel na bigyan ng kahit kaunting konsiderasyon ang mga jeepney driver na hinuli dahil sa paglabas sa ipinatutupad na health protocols ng gobyerno at hindi pagsunod sa utos ng mga otoridad na itigil na ang pagtitipun-tipon sa kalsada.
“Pls. if you cannot help them, let them go home. They just want food for their families. Maraming gutom.
“Sabihin na nating may natanggap pero hindi natin alam kung enough na ba yun para sa pamilya nila para mapilitan silang lumabas.
“Konting puso and consideration,” ang caption ni Angel sa ipinost niyang news item ng ABS-CBN.
Ayon sa PNP, makakalaya lamang ang mga inarestong driver kapag nakapagpiyansa na sila.