‘Make it With You’ ng LizQuen,  ‘Pamilya Ko’ nina Sylvia at JM kailan ibabalik ng ABS-CBN? 

MARAMING nagtanong sa amin kung bakit hindi nabanggit ang mga programang Pamilya Ko, Ipaglaban Mo, Maalaala Mo Kaya at Make it With You sa mga show na muling mapapanood simula Hunyo 13 sa Kapamilya Channel?

Ang mga programa lang nina Coco Martin na FPJ’s Ang Probinsyano, Love Thy Woman ni Kim Chiu at A Soldier’s Heart ni Gerald Anderson ang mga seryeng muling mapapanood sa cable channel. Kaya naman ang tanong ng ilang netizens, kailan naman ibabalik ang iba pa nilang paboritong serye?

Babalik din ang It’s Showtime kaya sa mga naka-miss ng kulitan nina Vice Ganda, Amy Perez, Vhong Navarro, Jhong Hilario at iba pang host ng programa ay heto na ang pinakahihintay n’yo, idagdag pa ang pag-ere uli ng ASAP Natin ‘To tuwing Linggo.

Pati ang Magandang Buhay nina Jolina Magdangal, Melai Cantiveros, at Karla Estrada ay mapapanood na ulit mula Lunes hanggang Biyernes.

 

Tuwing Sabado, mapapanood si Judy Ann Santos sa Paano Kita Mapasasalamatan at tuwing Linggo naman makakasama si Angel Locsin sa Iba ‘Yan. 

 

Ang cable at satellite TV channels kung saan mapapanood ang Kapamilya Channel ay pag-aari ng iba’t ibang kumpanya at hindi sakop ng cease and desist order ng NTC sa ABS-CBN.

Kamakailan naman ay inanunsyo na ni Angelica Panganiban na namaalam na ang gag show nilang Banana Sundae.

Tungkol naman sa mga seryeng Pamilya Ko nina Sylvia Sanchez at JM de Guzman, Ipaglaban Mo, Maalaala Mo Kaya at Make it With You nina Liza Soberano at Enrique Gil, baka naman inaayos pa lang ang balik-produksyon ng mga ito para sa new normal ng taping. Wait na lang muna tayo.

                             * * *

                                                      

Sa nakaraang pagdinig sa House of Representatives noong Miyerkules sa franchise renewal ng ABS-CBN, naikuwento ni chairman emeritus Eugenio “Gabby” Lopez III ang panahong tumakas siya ng bansa noong 1977 kasama ang tatay niyang ikinulong habang ipinatutupad ang Martial Law.

Ginawang pelikula ito na pinagbidahan nina Christopher de Leon (Genny Lopez, Jr.), Richard Gomez (Serge Osmena lll) at Mark Anthony Fernandez (Gabby Lopez) na may titulong “Eskapo” mula sa direksyon ni Chito Roño.

Sa digitally remastered movie na “Eskapo” isinasalaysay ang makasaysayang pakikipaglaban ng mga Lopez para sa kalayaan at mapapanood ito nang libre sa iWant.

Magsisimula ang “Eskapo” sa hindi inaasahang deklarasyon ng Martial Law noong 1972 kung saan libu-libong Pilipino ang inaresto. Kabilang dito sina sina Geny Lopez ang mga anak ng ABS-CBN founder na si Eugenio Lopez, Sr. at dating Pangulo na si President Sergio Osmeña, Jr..

Hindi man magkakilala bago makulong, magiging matalik na magkaibigan sina Geny at Serge habang patuloy na nakikiusap ang mga pamilya nilang palayain sila.

Sa kulungan, sisimulan nina Geny at Sergio ang isang hunger strike para iprotesta ang hindi makatarungang pagkakakulong ng libu-libong Pilipino. Ngunit pagkatapos ng limang taong pagkakapiit, magdedesisyon ang dalawa na tumakas sa bansa, sa tulong ng kaibigan ni Geny na si Jake (Ricky Davao) at ng mga anak niyang sina Gabby (Mark Anthony) at Raffy (Eric Fructuoso).

Panoorin nang libre ang digitally restored version ng “Eskapo” pati na ng “Dekada 70” sa iWant app sa iOS o Android o mag-log in sa iwant.ph

 

 

 

Read more...