Kim Domingo: Ganito pala yung lasa ng nirerespeto ka kesa masabihan ng ‘ang hot mo!’

WALANG pagsisisi ang Kapuso star na si Kim Domingo sa desisyon niyang tumigil na sa pagpapaseksi sa harap ng mga camera.

Inamin ng dalaga na hindi naging madali para sa kanya ang magpalit ng image mula sa pagiging hubadera o sexy star.

Sa kanyang unang vlog sa YouTube, sinabi ni Kim na isa sa pinaka-challenging part ng kanyang career nitong nakaraang taon ay ang pagpapaalam sa kanyang sexy image. 

Ayon sa Kapuso actress, talagang maraming fans na dating sumusuporta at humahanga sa kanya noong nagpapa-sexy pa siya ang biglang nawala at tinabangan na sa kanya.

“‘Yung mga dating humahanga sa akin, sumusuporta noong time na hubadera ako, ang dami nila! As in, ang tunog ng pangalang Kim Domingo, pantasya ng bayan.

“Hindi sa pagmamayabang, pero pumutok talaga ‘yung pangalang Kim Domingo noong nagpa-sexy ako,” paliwanag ni Kim.

“Yes, maraming nawala (fans) pero ang hindi n’yo alam maraming pumalit doon sa mga nawala. Mas maraming taong nagmamahal sa akin ngayon. May mga nawala pero may mga pumalit,” aniya pa.

Pero positibo pa rin itong tinanggap ng Bubble Gang star at happy siya dahil alam niyang ang mga taong sumusuporta sa kanya ngayon ang mga tunay niyang tagahanga na nirespeto ang desisyon niya.

“Ang daming taong mas nakaka-appreciate ngayon sa akin. Doon ako nagti-thank you. Ganito pala yung lasa ng nirerespeto ka. Mas masarap siya kesa doon sa mga ‘Ang sexy mo, ang hot mo!'” sey ni Kim.

Pero paglilinaw ng dalaga, “Hindi ako against sa nagpapa-sexy kasi nanggaling ako diyan, e. Sino ako para manghusga.

“Masayang masaya ako. Gusto kong malaman ninyo na masayang masaya ako doon. I’m free!” lahad pa niya.

Mas masarap din daw yung feeling na napapansin na ngayon ng manonood ang kanyang talento sa pag-arte.

“‘Ang sexy mo,’ ayoko na ng ganoon! Gusto ko na ‘yung ‘Ang galing mo Kim.’ Mas gusto kong mapapansin ‘yung talent ko.

“‘Yung ako bilang aktres. ‘Yung ako bilang artista. ‘Yun ‘yung mas gusto kong mapansin sa akin ng tao,” sabi pa ni Kim Domingo.

Read more...