Bansa lalong gugulo sa anti-terror bill–solon

PINAPALAWAK umano ng anti-terror bill na ipinasa ng Kongreso kung sino ang maaaring ituring na terorista kaysa tukuyin at hulihin ang mga totoong terorista.

Ganito inilarawan ni House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang panukalang Anti-Terror Law na inaprubahan ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa kagabi.

Sa kanyang explanation of vote, sinabi ni Hataman na mas makabubuti kung gagawing malinaw at hindi malabnaw kung sinu-sino ang maaaring hulihin ng walang warrant of arrest na maaaring ikulong ng hanggang 24 na araw kahit wala pang naisasampang kaso.

“Sa pagtalakay ng batas na ito, may isang bagay na luminaw sa akin: Mas pinahalagahan ng panukala ang pagpapalawak ng saklaw ng kung sino ang puwedeng ituring na terorista, kaysa sa pagtukoy at paghuli sa totoong mga terorista,” ani Hataman.

Ikinabahala rin ni Hataman ang hindi pagtanggap sa mga panukala na magbibigay ng proteksyon sa magiging biktima ng mistaken identity.

“Tinatanggal din ng bill na ito ang P500,000 na kabayaran kada araw ng pagkakakulong para sa maling pag-aresto, mistaken identity, wrongful detention o kahit pa ba planted evidence. In this sense, the bill sends a clear message to enforcers: Arrest anyone you want; anyway, wala namang bayad kung magkamali ka,” dagdag pa ng solon.

Giit pa ni Hataman, walang inimbita sa hanay ng mga Muslim para magbigay ng opinyon sa panukala sa pagdinig ng Senado at Kamara.

“Wala galing sa National Commission on Muslim Filipinos; wala galing sa Bangsamoro Autonomous Region; wala galing sa alinmang Civil Society Organization. Kung hindi man lang tinanong ang mga ekspertong Muslim, paano isasalamin ng panukalang ito ang realidad sa mga komunidad?”

Nangangamba si Hataman na ang panukala na ito ang maging mitsa ng lalong paggulo ng bansa dahil sa mga magaganap na pag-abuso.

“Mr. Speaker, coming from Basilan, malinaw sa akin ang pangangailang masugpo ang terorismo at violent extremism. Sa Basilan nag-o-operate ang Abu Sayyaf. Kami ang madalas na biktima ng terorismo: Kami ang nakikidnap, nasusunugan, namamatay kapag may terrorist attack. Sa kabila nito, noong nakipag-ugnayan at nakipagtulungan kami sa iba’t ibang sektor para sugpuin ang Abu Sayyaf, nakita namin: May paraan para magbago sila. May paraan para magbalik-loob sila sa lipunan. May paraan para makumbinsi silang talikuran ang terorismo. At hindi laging barilan o pag-aresto ang paraan na ito. Puwedeng daanan sa development. Sa dialogue. Sa pag-aruga sa mga komunidad. Maayos na edukasyon para umangat ang antas ng pag-iisip at hindi mahulog sa kamay ng mga recruiter ang kabataan. These methods, Mr. Speaker, these reform measures, are among the pillars of counter-terrorism.”

Read more...