Kathryn, Daniel ‘na-torture’ habang nagsu-shooting sa Spain; sumablay kay Direk Olive

KATHRYN BERNARDO AT DANIEL PADILLA

HINDING-HINDI malilimutan nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla ang naging experience nila nang maidirek ng blockbuster director na si Olivia Lamasan.

Si Direk Olive o “Inang” sa mga nakakatrabaho niya ang nasa likod ng isa sa kumitang movie ng KathNiel, ang “Barcelona: A Love Untold” na ipinalabas noong 2016 na kinunan mismo sa Barcelona, Spain.

Ayon kina Daniel at Kathryn, bukod sa napakarami nilang unforgettable moments sa Spain, marami rin silang natutunan kay Direk Olive lalo na pagdating sa usapin ng professionalism.

Sa guesting nina Kathryn at Daniel sa bagong digital talkshow na “I Feel U,” hosted by Toni Gonzaga, naikuwento ng magdyowa ang mga hindi malilimutang moments ng kanilang tambalan sa pelikula sa loob ng walong taon.

Inilahad ni Kathryn ang ilang hindi malilimutang experience niya with Direk Olive, “Nakadalawang bingo ako kay Inang. Una ako lang kasi hindi ko memorize ‘yung script ko, tapos ‘yung pangalawa kasama na si DJ dito, na late kami ng gising lahat so hindi namin naabutan ‘yung train.

“So, hindi kami nakasakay sa train, hindi kami nakarating sa location, naghihintay sila tapos nasayang ‘yung isang araw na ‘yun kasi late kami nagising so domino effect,” pahayag pa ni Kath.

Sabi naman ni Daniel, talagang natatakot sila kay Direk nu’ng dumating sila sa next taping day dahil sa nagawa nilang sablay.

“Una tinitimpla ko muna, ayaw kong lapitan nang galit baka abutan ako, e. Ha-hahaha! So, nu’ng una very cold kami, kasi kapag nag-instruct talaga siya focus kami kasi hindi kami pwede magkamali, kasi may kasalanan kami. 

“Pero eventually, nagyakapan na kami, bago natapos ‘yung araw kasi for sure si Inang hindi naman rin niya gusto ‘yun. Ayaw rin niya na may bothered sa set,” kuwento ni DJ.

“Nu’ng alam niyang naintindihan na namin ang lesson namin at talagang tortured na kami okay na, pinatawad niya na kami,” dagdag ng aktor.

Isa pa sa pelikula ng KathNiel na talagang nagmarka sa madlang pipol ay ang “The Hows of Us” na idinirek ni Cathy Garcia Molina na ipinalabas noong 2018. 

Ito ang highest grossing Filipino movie of all time nina Kathryn at Daniel.

“Hindi madali ‘yung journey. Pero, hindi namin naramdaman na mag-isa kami, kasi lahat sila and specially direk Cathy, talagang inalalayan kami. Kaya hanggang ngayon, sobra ang pasasalamat namin kasi hindi namin magagawa without them,” chika ni Kathryn.

“Si DJ, grabe rin ‘yung pag-alalay niya sa akin diyan kaya rin nag-work pareho yung roles namin, kasi off cam, ‘yung pag-uusap namin ni DJ sa eksena ‘yung preparations namin kaya din siya nag-work,” dagdag pa ng dalaga.

Read more...