No one deserves the power of anti-terror bill– solon

Anti-terror bill

WALA umanong dapat na bigyan ng napakalawak na kapangyarihan ng anti-terror bill.

Inilahad ni Magsasaka Rep. Argel Cabatbat ang pagtutol sa panukala at inilahad ang kanyang karanasan noong 2019 ng bansagang terorista ang kanyang partylist group.

“Nagulat po ako kasi wala naman kaming kinalaman sa terrorismo – hindi tayo miyembro ng kahit anong terrorist group, at hindi natin sinusuportahan ang terorismo. Nangangampanya na kami at nagpapakilala, panay pa ang paliwanag namin sa kung sinuman ang interesadong makinig sa amin na hindi kami dapat naisama sa listahan na yun,” ani Cabatbat sa kanyang explanation of vote sa plenaryo ng Kamara de Representantes.

Ipinasa ng Kamara ang anti-terror bill sa kabila ng maraming pagtutol dito.

Sinabi ni Cabatbat na bagamat nalinis na ang kanilang grupo sa alegasyon, nagawa na ang paninira.

“Kaya pala naisama kami sa listahan na yun ay dahil sa pangalan ng ating partylist ay MAGSASAKA. Dun ko naunawaan ang stereotype sa mga magsasaka. Ang tingin sa amin ay mga rebelde, bayolente, subersibo, at terorista. Sa maraming tao, walang pinag-iba ang lahat ng ito,” saad ng solon.

Noong una ay co-author si Cabatbat ng panukala sa layong mapaganda ang batas.

“Dinagdag din natin na laliman ang tingin sa mga bagay tulad ng riot o looting, katulad ng mga nagaganap ngayon sa Amerika. Hindi ito dapat isama sa depinisyon ng terorismo. Huwag din sanang isama ang mga pangyayari katulad ng nangyaring hostage-taking sa Greenhills, dahil ang lahat ng ito ay ginawa dahil sa desperasyon at sistematikong kawalan ng hustisya,” dagdag pa ng solon.

Umapela naman si Cabatbat sa Armed Forces na huwag abusuhin ang paggamit sa batas na ito.

“Para sa ating Sandatahang Lakas, ilang araw na lang ay mabibigyan na kayo ng pambihirang kapangyarihan. You don’t deserve that kind of power. No one does. But I beg you to use that power with justice, prudence, and with the objective of attaining lasting peace for everyone.”

Isang hamon umano sa AFP na patunayan na hindi sila abusado at dapat na katakutan ng ordinaryong mamamayan.

Read more...