AGAD na dumepensa si Megastar Sharon Cuneta sa kinukuwestiyong citizenship ng chairman emeritus ng ABS-CBN na si Eugenio “Gabby” Lopez III.
Ipinagtanggol ng singer-actress ang may-ari ng Kapamilya Network habang nakasalang sa ginanap na hearing sa Kongreso para sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Sa kanyang Instagram post, ipinagdiinan ni Mega na nasagot na ni Lopez ang tungkol sa kanyang citizenship nang ilang beses.
Mensahe ng asawa ni Sen. Kiko Pangilinan, “LAHAT po ng mahahalagang katanungan ng pagdududa ay nasagot na ng napakaraming beses kanina pa.
“Paulit-ulit na lang. Parang pinapahaba lang ng pinapahaba.”
“WALANG MALI SI MR. GABBY LOPEZ! Parang meron lang talagang ayaw irenew ang franchise ng ABS-CBN. Nakakalungkot.”
Dagdag pa ni Sharon, “Eh baka kung mag-guest na lang sila sa ASAP o SHOWTIME pag naibalik ang DOS sa ere ay di na nila kailanganin magpasiklaban sa hearing at sisikat na sila.”
Sa naganap na pagdinig kanina sa pamamagitan ng teleconferencing app na Zoom, tanging ang isyu sa citizenship ni Lopez ang natalakay na tumagal ng halos tatlong oras.
Iginiit ni Lopez na isa siyang natural-born Filipino citizen sa pagharap niya sa mga mambabatas, “I am a natural-born Filipino citizen because both my parents are Filipino citizens.”
Ayon kay ABS-CBN general counsel Mario Bautista, isang dual citizen si Lopez dahil Filipino ang mga magulang niya, kahit pa ipinanganak siya sa United States of America.
“’Yung pagka-dual citizenship po ni Mr. Gabby Lopez ay automatic legal consequence dahil ipinanganak siya mula sa mga Pilipino. Ipinanganak din siya sa America, na alam natin na kapag ikaw ay pinanganak sa teritoryo ng America, ikaw ay American citizen,” sabi ni Bautista.
Nanindigan si Lopez na hindi niya tinalikuran ang Filipino citizenship niya at nakiusap lang sa Department of Justice na kilalanin ang Filipino citizenship niya para makakuha siya ng Philippine passport.