NAGBABALA ang chairman ng House committee on Metro Manila Development sa P1.12 bilyong compromise agreement sa pagitan ng National Housing Authority at RII Builders Inc. (RBI), ang contractor ng binuwag na Smokey Mountain Development Corporation and Reclamation Project (SMRDP).
Sumulat si Manila Rep. Manuel Lopez kay NHA Manager Marcelino Escalada Jr., upang sabihin na “void” ang compromise agreement kung hindi ito aaprubahan ng Kongreso.
“Without the approval of Congress, sought through the Commission and the president, who shall provide recommendations, any such settlement or agreement can be considered void,” ani Lopez.
Nakasaad umano ito sa Executive Order No. 292 at Administrative Code of 1987.
Hiniling ni Lopez kay Escalada na magsumite sa Kongreso ng kopya ng compromise agreement kasama ang review at audit ng transaksyon ng NHA at RBI.
“Ultimately, I trust we are one in our mutual desire that all public funds are allocated only for legitimate purposes; no excessive or abusive expenditures are made, and any agreement disadvantageous to the government is disallowed,” dagdag pa ni Lopez.
Nauna rito, hiningi ng COA sa NHA ang kopya ng komento ng Office of the Government Corporate Counsel sa out-of-court settlement sa pagitan ng NHA at RBI na pagmamay-ari ng negosyanteng si Reghis Romero II.
Kailangan umano ang mga dokumento upang matiyak na tama ang gagawin ng NHA.
Nakuwestyon ang umano’y pagkakaiba ng computation ng NHA sa hinihinging settlement ng RBI na P1.12 bilyon at limang hektaryang lupa sa Vitas, Tondo.
Ayon sa kalkulasyon ng NHA na nakuha ng OGCC sumobra na ang bayad nito sa RBI ng P300 milyon.