MAS pinili ni “Descendants of the Sun” actor Rocco Nacino na sa ibang paraan niya ipaabot ang kanyang tulong sa mga higit na apektado ngayon ng COVID-19 pandemic.
Alam ng mas nakararami na bukod sa pagiging Navy reservist ay registered nurse rin ang Kapuso hunk actor kaya inaasahan ang aktibo niyang pagtulong ngayong may health crisis.
Ayon kay Rocco, pinili niyang magserbisyo sa pamamagitan ng kanyang fundraising campaign na “Food From the Heart” para makalikom ng donasyon at gamitin ang kanyang impluwensya para makapagbigay ng inspirasyon sa mga nahihirapan.
Ang desisyon na ito ay rekomendasyon din ng kanyang talent management na GMA Artist Center at kanyang pamilya.
Hindi man aktibo sa lahat ng relief mission ng reserve force ng militar sa buong bansa, patuloy pa rin si Rocco sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang uniformed personnel.
At isa na nga riyan ang paglahok niya sa feeding program ng Philippine Navy para sa mga naka-quarantine na marine soldiers at frontliners sa checkpoint.
Bukod dito, nagbigay din ng ilang paalala ang binata sa lahat ng lumalabas ngayong nasa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at mga probinsya.
“Our new normal. Nowadays, three’s a crowd. Kung kailangan talaga lumabas, be strict with social distancing.
“Remind our fellow citizens kapag nakakalimot sila sa distancing. Tulong-tulong tayo mga Kapuso,” panawagan pa ng Kapuso hunk.
Samantala, habang tigil muna sa taping sina Rocco sa “DOTSPh,” mapapanood pa rin siya sa rerun ng “Encantadia” sa GMA Telebabad.