Nangako si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na ibabalik ng ahensiya sa mga pambansang atleta at coaches ang ikinaltas na 50% mula sa kanilang allowance kapag naibalik na sa normal ang lebel ang National Sports Development Fund (NSDF).
Ipinaliwanag ni Ramirez sa kauna-unahang virtual forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Martes ng umaga na ang budget ng NSDF ay naggagaling sa PAGCOR. Dito kukukuha ang PSC ng pondo para sa mga grassroots program nito at allowance ng mga pambansang atleta at coaches.
Noong Biernes ay inanunsiyo ni Ramirez na dahil mababa na ang pondo ng NSDF bunga ng kasalukuyang “health crisis” sa bansa ay nagdesisyon ang PSC board na tapyasan ng 50% ang mga allowance ng mga atleta at coaches hanggang sa buwan ng Disyembre.
Ayon sa batas, 5% ng gross income ng Pagcor ay inilalaan para sa PSC at dahil maliit lamang ang kinikita ng PAGCOR sa panahon ng quarantine ay lumiit na rin ang budget na napupunta sa NSDF.
Mula sa average monthly remittance ng Pagcor na P150 million sa PSC ay bumaba ito ng P99 million noong Marso at P9 million na lamang sa buwan ng Abril.
Gayunman, nangako si Ramirez na matatanggap pa rin ng mga atleta at coaches ng “retroactive” ang kanilang allowance sakaling bumalik sa normal ang remittance ng Pagcor.
“The NSDF is intented for athletes,” sabi ni Ramirez. “Pag bumalik yung pera galing sa Pagcor ay ibabalik po namin yan sa mga atleta. Hindi yan commitment ng (PSC) board. It’s really a law and we will be penalized by law if we not give (it to them). It’s people’s money and that money is intended for athletes, both grassroots and elite.”
Balak din umano ni Ramirez na lumapit sa pribadong sektor para agad na maibalik sa normal ang allowance ng mga atleta at coaches.
Nalulungkot naman si Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abrahan “Bambol” Tolentino sa balitang babawasan ng 50% ang allowance ng mga atleta.
Aniya, kung alam lang niyang hahantong sa ganito ang NSDF budget ay sana isinama na lamang niya sa “Bayanihan Act” ang allowance ng mga atleta.
“Maliit lang naman yan. It’s just P30 million a month and 50% of it is only P15 million a month hanggang Disyembre,” sabi ni Tolentino, na panauhin din ng kaunaunahang PSA Sports Forum sa panahon ng quarantine. “Pero sa pagkakaintindi ko ibabalik naman ng PSC yan once na may pera na sila.”