9 lumabag sa curfew pinalangoy sa kanal; Inday Sara nanggigil

NAHAHARAP sa kasong kriminal at administratibo ang ilang pulis na pinagapang sa kanal ang siyam na kalalakihan na nahuling lumabag sa curfew at liquor ban sa Agdao, Davao City kaninang madaling araw.

Kaugnay nito, kinastigo ni Davao City Mayor Sara Duterte ang mga di-kinilalang pulis dahil sa hindi makataong pagpaparusa sa siyam na residente ng Brgy. San Antonio.

Sa panayam ng isang radio station sa siyudad, sinabi ni Duterte na sana ay pinaglinis na lamang ng kanal ang mga nahuli.

Aniya, hindi makatao ang palanguyin sa kanal ang mga tao. “No it’s not humane,” giit ng alkalde.

“Local government units are enjoined to enact necessary ordinance to enforce curfews to penalize in a fair and humane manner,” paliwanag pa niya.

Idinagdag ni Duterte, na mananagot sa batas ang mga pulis na nag-utos sa siyam na residente na gumapang sa kanal.

Ayon sa ulat, sinabi ng isa sa mga biktima na matapos silang mahuli ala-1 ng umaga ay pinapila sila ng mga pulis at pinag-push up nang 50 beses saka sila pinatalon sa kanal.

Aniya, nakainom siya ng tubig ng kanal habang gumagapang kaya hanggang kanina ay wala siyang ganang kumain.

Kuwento niya, naghahanap lamang siya ng signal ng cellphone kaya lumabas siya. Ipinahuli umano siya ng opisyal ng barangay nang tumakbo siya sa loob ng kanilang bahay.

Inamin naman ng opisyal ng Brgy. San Antonio na dinakip ang lalaki pero hindi umano niya inutusan ang mga pulis na pagapangin ito sa kanal.

Pinaghahanap na ng mga otoridad ang mga pasaway na pulis, ayon pa sa ulat.

Read more...