SA mga nakalipas na araw, tinalakay at sinabi sa column na ito na ang emergency powers ng Pangulo na nakalatag sa Bayanihan Law (RA 11469) ay hihinto at mawawalan ng bisa sa oras na mag-adjourned ang Kongreso sa June 5, 2020. Ito ay dahil ayon sa Article 6, Section 23 (2) ng Constitution, ang emergency powers na pansamantalang binigay sa Pangulo ay titigil sa susunod na mag-adjourned ang Kongreso.
Bagamat nakalagay at itinakda ng Bayanihan Law na ito ay may bisa o epektibo ng 3 buwan o hanggang June 25, 2020, ito pa rin ay titigil at mawawalan ng bisa sa June 5,2020.
Ang isang batas na katulad ng Bayanihan Law ay hindi maaaring manaig sa sinasabi at pinag-uutos ng Constitution.
Kaya wala nang saysay ang iba’t ibang panukalang-batas (bill) na dinidinig ngayon ng Kongreso, na may layunin i-extend o palawigin ang Bayanihan Law hanggang September 30, 2020.
Wala nang i-eextend o palalawiging Bayanihan Law mula June 25, 2020 hanggang September 30, 2020 dahil ito ay epektibo lang hanggang June 5, 2020. Kaya ano pa ang i-extend o palalawigin ng mga panukalang-batas na ito?
Kung sa pananaw ng Kongreso ay kailangan pa ng Pangulo ang emergency powers, ang dapat gawin nito ay magpasa ng BAGONG Emergency Power Law na gaya ng Bayanihan Law at hindi simpleng extension lamang.
Walang pinagbabawal sa Constitution na gawin ito ng Kongreso. Ang sinasabi sa Constitution ay ang emergency power ay pwedeng ipagkaloob ng Kongreso sa Pangulo sa panahon ng national crisis. Walang duda, ang Covid-19 crisis ay umiiral pa ngayon at tiyak na magtatagal pa, kaya mayroon pa ring basehan na bigyan muli ng Kongreso ang Pangulo ng bagong emergency powers na katulad ng Bayanihan Law na naaayon at alinsunod sa Article 6, Section 23 (2).
Sa bagong emergency power law, maaari pang dagdagan ng Kongreso ang kapangyarihan ng Pangulo, kung kailangan at nanaisin, para labanan at puksain ang Covid-19 crisis.
Maaari rin huwag nang ibigay ng Kongreso ang ilang kapangyarihan na ibinigay sa Bayanihan Law. Kung nanaisin din ng Kongreso, pwede na nitong tanggalin ang mga penal provisions na nakalagay sa Bayanihan Law dahil ang mga ito naman ay sakop na ng ibang batas na pinaiiral na.
Maari din naman magpasa ang Kongreso, ano mang oras, ng isang batas kung saan pagkakalooban ang Pangulo ng ilang kapangyarihan para labanan at sugpuin ang Covid-19 crisis na HINDI alinsunod sa Article 6, Section 23 (2). Ito ay ginawa at nangyari sa panahon ng dating Pangulong Fidel Ramos.
Noong April 2, 1993, ang Kongreso ay nagpasa ng isang panukalang-batas na naglalayon pagkalooban si dating Pangulong Ramos ng mga kapangyarihan o emergency powers upang solusyonan ang electricity power crisis na umiiral noon. Ito ay naisabatas noong April 3, 1993 bilang RA 7648.
Nasa tanging discretion ng Kongreso kung ano ang dapat gawin. Sila ang mas may alam kung ano ang nararapat at makakabuti sa bansa.