ITINANGGI ng Omnibus Bio-Medical Systems. Inc. na overpriced ang ibinebenta nitong produkto ng Sansure Biotech Inc. para sa coronavirus disease 2019.
Ayon sa Omnibus hindi totoo na direkta itong nagbenta ng Sansure Polymerase Chain Reaction (PCR) test kit sa Department of Budget and Management (DBM), Central Office Bids and Awards Committee-Department of Health (DOH), at PhilHealth.
“Nakasandig ang aming kompanya sa sa paniniwalang nakalaan ang negosyo sa paglalaan ng pinakamainam at epektibong kagamitang pangmedisina para sa lahat. Hindi namin sisirain ang reputasyong ito, lalo na sa panahon ng krisis ng COVID-19,” saad ng pahayag ng Omnibus.
Hindi rin umano totoo na mayroon itong monopolya ng COVID-19 testing kit at ang ibinebenta umano nito ay package.
Nabili umano ng Go Negosyo sa programa nitong ARK ang Sansure NATCH CS Fully Automated Nucleic Acid Extraction System sa China sa halagang P1.75 milyon pro hindi kasali sa presyo ang gastusin sa transportasyon at storage.
Nagbigay umano ng quotation ang Omnibus sa Procurement Service ng DBM (PS-DBM) noong Abril 23. At bukod sa machine ay may kasama itong 25,000 NATCH consumables na kailangan sa RNA extraction.
Nagkakahalaga umano ng P4.3 milyon ang quotation ng Omnibus kasama na rito ang gatos sa transportasyon at storage fee. Mayroon din umano itong warranty at iba pang accessories, maging ang bayad sa maintenance at calibration, bond at retention.
Noong Mayo 6 ay muli umanong nag-alok ang Omnibus ng serbisyo sa PS-DBM sa halagang P4 milyon. “Kasama rito ang mga materyal na gagamitin para sa marketing ng serbisyo. Mas mababa ang presyo nito dahil inihiwalay ang presyo ng makina at NATCH consumables—iyon lamang ang pagkakaiba. Isinama ang lahat ng naunang nabanggit na karagdagang kabayaran.”
Iginiit rin ng Omnibus na wala itong monopolyo ng PCR, NATCH machines at COVID-19 testing kits pero ito ang exclusive distributor ng Sansure sa bansa.
Mayroon umanong tatlong kompanya na nagbebenta rin ng mga makina para ma-detect ang COVID-19.
Sinabi ng Omnibus na natalo ito sa bidding kaya wala itong kontrata sa DBM, COBAC-DOH, at PhilHealth para sa test kits at makina para sa COVID-19,.
“Pinahahalagahan namin ang aming mga kliyente, kaya’t hinding-hindi kami manlalamang. Naninindigan kami sa dalawang dekada ng mabuting serbisyo dahil sa mapagbigay naming mga empleyado. Pinatutunayan ng aming ISO certification ang puso naming para sa industriya ng medisina at kalusugan,” dagdag pa ng Omnibus.