ANG programa lang ni Willie Revillame na Tutok To Win ang kaisa-isang live show ngayon na napapanood sa GMA 7 at sa iba-ibang plataporma ng social media.
Walang palya ang pamimigay niya ng mga papremyo, libu-libong piso ang ipinamamahagi niya, walang ibang dapat gawin ang mga kababayan natin kundi ang tumutok lang sa kanyang programa para matawagan ng TV host.
Nagsilbing hulog ng langit para sa mga kababayan natin ang programa ni Willie lalo na nu’ng kasagsagan ng lockdown na laganap talaga ang kahirapan sa sektor ng mga manggagawa na pinigilang magtrabaho.
Nagpapatawa pa ang TV host sa pakikipag-usap sa kanyang mga tinatawagan, pero ang kinakausap niya naman ay sigaw nang sigaw ng pasasalamat, dahil saan nga naman nila pupulutin ang sampung libong ipinamamahagi ni WIllie sa isang tawagan lang?
Ipinagbabawal man ang pagla-live ng kanyang programa bilang pagtugon sa social distancing ay ipinagpatuloy niya pa rin ang pagtulong sa ating mga kababayan.
May katuwang siyang mga sponsors sa Tutok To Win, pinalaki pa ng Shopee ang kanyang mga papremyo, araw-araw ay namamahagi ang programa ng singkuwenta mil para sa lucky winner.
Nasa Puerto Galera si Willie nang maisip niyang kausapin ang mga bossing ng GMA 7 kung puwede silang umere para sa pagtulong sa mga nagdarahop nating kababayan.
Nu’ng unang dalawang araw ay nawawala-wala sila sa ere, mahina ang signal, hanggang sa kinumpleto na nila ang lahat ng mga gadgets na kailangan para sa online show. At nagtagumpay naman ang technical team ni Willie, malinaw na malinaw na silang napapanood ngayon sa GMA 7, YouTube, Facebook at Instagram.
Tama ang katwiran ni Willie. Ngayon higit kailanman nangangailangan ng ayuda ang mga kababayan natin, wala silang trabaho kaya wala ring kinikita, kaya ngayon sila kailangang suportahan.