Kathryn napa-throwback sa showbiz career: Suwerte ako nu’n kasi kasama ko si Julia

HINDING-HINDI malilimutan ni Kathryn Bernardo ang unang pelikulang pinagbidahan niya noong 2011 kasama si Julia Montes.

Doon kasi nalaman ng Kapamilya Queen of Hearts na ibang-iba ang paggawa ng teleserye kesa sa movie. Magkaibang-magkaiba raw pala ang atake ng pag-arte sa TV at sa big screen.

Nag-guest si Kathryn sa online chat (Facebook Live) na Actors’ Cue #ExtendTheLove fundraising project hosted by writer-director Adolf Alix, at dito na niya inamin na bata pa lang siya ay mahilig na talaga siyang manood ng sine.

“Ever since kasi mahilig kami manood ng teleserye especially pag may pelikula ka ng gustong artista. As in kahit hindi pa ako artista, fan na ako. 

“Siguro yung pinakahindi ko makakalimutang memory nu’ng bata ako, kasi lumaki ako sa Cabanatuan, Nueva Ecija, so after school noon usually pupunta ako sa mall may store yung mama ko sa isang mall du’n,” simulang pahayag ng dalaga.

Patuloy pa niya, “Tapos sa top floor nu’n may sinehan. So kung may gusto ako panoorin, tatanungin ko siya tapos aakyat lang kami ng escalator nandiyan na. 

“So kung meron man akong gustong pelikula, love story man yan, local man yan or international film, as in pinipilahan ko yan kasi parang dinadala ka niya sa ibang mundo, na parang sa dalawang oras na yun, kikiligin ka, iiyak ka. 

“Gustung-gusto ko yung feeling na parang parte ka nu’ng pinapanood mo. So growing up nanonood din ako sa Cinema One, yung mga movies ni FPJ, Isusumbong Kita sa Tatay Ko, Wansapanataym the Movie, My First Romance, Gimik, yung mga ganyan,” pahayag pa ng girlfriend ni Daniel Padilla.

Naikuwento rin ni Kath ang naging experience niya sa una niyang shooting, “Nakakatuwa lalo nu’ng naging artista na ako tapos nakita ko kung paano gumawa ng pelikula. Na-amaze ako kasi dati pinapanood ko lang siya tapos pag ikaw na mismo yung nandu’n sa set, oh my God ganu’n pala yung proseso ng paggawa ng isang sequence, kung gaano katagal. 

“Nu’ng bago ako sa ABS-CBN tapos nakikita ko sila John Prats, nai-starstruck ako kasi dati pinapanood ko lang sila. Nag-start ako as a fan and up until now nakaka-proud na part ka na ng craft na yun, ng trabahong yun. 

“Yun yung parati kong binabalikan. Kaya minsan kinikilig pa rin ako kapag may movie na ako, ako na yung puwede nilang panoorin sa mga post. Nakakatuwa siyang balik-balikan,” pag-alala pa ng aktres.

Nakatatak na rin sa puso’t isipan ni Kathryn ang unang pelikula niyang “Way Back Home” noong 2011 kung saan nakasama niya ang kanyang “Mara Clara” co-star na si Julia Montes. 

“Hindi ko makakalimutan yung first ever movie na ginawa ko as lead. Kasama ko du’n si Julia. Kasi iba talaga yung adjustment kapag nagte-taping ka ng teleserye tapos gumawa ka ng pelikula. Hindi ko alam yung mga technical sides. 

“Hindi ko alam na marami palang shots kapag movie, na dapat pala konti lang yung acting mo kasi malaki yung screen. 

“Ang hirap nu’n kasi parang ibang mundo siya. Pero ang suwerte ko nu’n kasi kasama ko si Julia. Malapit ko siyang kaibigan.

“Alam mo yung feeling na wala ka pang loveteam, wala pang DJ (Daniel), pero meron kang kasama na mag-adjust sa ganu’ng mundo. Suwerte ako nu’n na kasama ko si Julia,” kuwento pa ni Kath.

Read more...