NAIS ipatawag sa Kamara ni ACT-CIS Rep. Eric Yap ang pamunuan ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) at ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos magreklamo ang grupo na hindi pa sila nababayaran ng naturang ahensya dahilan para magsara ang kalahati ng kanilang mga miyembro.
Ayon kay Yap, chairman ng House commitee on appropriations, maghahain siya ng resolusyon bukas para magkaharap ang PHAP at PhilHealth.
“Gusto naming malaman kung may basehan ba itong reklamo ng PHAP dahil ayon sa report ni Pangulong Duterte, na base sa ulat ng Philhealth noong nakaraang linggo, nagbayad na raw sa unang limang buwan ng taong kasalukuyan ang ahensya ng P37.683 billyon sa insurance claims ng mga pribadong ospital. Pero iginigiit naman ng PHAP na hindi pa sila nababayaran, entonces, isa sa kanila kailangang rebyuhin nang mabuti ang kanilang records para malaman natin kung sino ang tama,” ayon sa mambabatas.
Inanunsyo kamakailan ng PHAP na halos kalahati ng kanilang mga miyembro ay pawang mga emergency rooms na lang ang nago-operate dahil sa kakulangan ng budget para sa mga operating expenses nito.
Paliwanag ni Yap, karamihan ng mahihirap na Pilipino ay Philhealth card lamang ang dala kapag nagtutungo sa ospital para magpagamot kaya magiging malaking problema kapag hindi na tatanggapin ang Philhealth card ng mga pribadong ospital dahil sa hindi umano pagbabayad ng nasabing government health insurance agency sa mga utang nito.
“Alam natin na maraming kinasangkutan na mga anomalya ang nasabing ahensya noong mga nakaraang administrasyon dahil ginawang gatasan ng mga opisyal ito partikular na ang mga false insurance claims na nagkakahala ng milyon-milyon. Pero sa pagpasok ng Duterte administration, ang alam ko ay binabayaran na ng ahensya ang mga atraso nila sa mga ospital,” dagdag niya.