2 warehouse sinalakay ng BOC; P50M medical supplies kumpiskado

NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P50 milyong halaga ng mga medical supplies at equipment mula sa mga bodegang sinalakay sa San Juan at Malabon City, na pagma-may-ari ng Omnibus Biomedical System Inc.

Ang naturang kumpanya ang tinukoy kamakailan sa isang pagdinig sa Senado na nagbebenta umano ng overpriced automatic extraction machines sa pamahalaan.

Armado ng Letter of Authority at Mission Order na nilagdaan ni BOC Commissioner Guerrero, sinalakay ng mga tauhan ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI) ang bodega sa Wilson st. sa Greenhills, San Juan at sa Potrero sa Malabon.

Napag-alaman na naabutan sa isa sa mga bodega ang ilang Tsino.

Kabilang sa mga nakumpiska sa mga warehouse ang high-pressure stream sterilizer, blood bags, books, at real-time quantitative thermal cycler.

Nakatakda na ring sampahan ng kaso ng BOC ang kumpanya dahil sa pagkabigo umanong magpakita ng katibayan na nagbabayad sila ng duties at taxes sa pamahalaan.

Hindi ito ang unang pagkakataon na sinalakay ng BOC-CIIS ang mga tindahan at warehouse na nagbebenta ng overpriced medical supplies.

Nakakumpiska kamakailan ang ahensya ng may P5 milyong halaga ng personal protective equipment (PPE) at medical supplies mula sa isang tindahan sa Binondo, Manila at mga gamot umano sa Covid-19 sa Singalong, Malate, Maynila.

Umaasa naman ang mga otoridad na ang mga naturang operasyon ay magbibigay ng malinaw na mensahe sa mga negosyante na sangkot sa hoarding at pagbebenta ng overpriced medical supplies ngayong panahon ng emergency na gagawin nila ang lahat para maipatupad ang batas.

Hindi rin umano nila kukunsintihin ang mga indibidwal at kumpanya na nagsasamantala sa krisis para kumita ng pera.

Read more...