GINAYA ng Kamara de Representantes ang panukala sa Senado na nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na ilipat ang araw ng pasukan kung kakailanganin.
Maraming panukala na nakabinbin sa Kamara kaugnay ng pagbabago ng pasukan subalit minabuti ng House committees on Basic Education and Culture at on Higher and Technical Education na gayahin ang bersyon ng Senado upang mas mabilis itong maipasa.
Ang sesyon ng Kongreso ay hanggang Biyernes na lamang pero ang huling sesyon sa plenaryo ng Kamara ay hanggang Huwebes na lamang.
Sa ilalim ng panukala aamyendahan ang Republic Act 7797 (An Act To Lengthen the School Calendar From Two Hundred Days to Not More Than Two Hundred Twenty Class Days).
Sa ilalim rin ng batas na ito ang pagsisimula ng pasukan ay maaaring magsimula sa unang Lunes ng Hunyo hanggang huling araw ng Agosto.
Itinakda na ng Department of Education sa Agosto 24 ang pasukan para sa School Year 2020-2021 subalit hindi umano nangangahulugan na magkakaroon ng face-to-face learning gaya ng tradisyonal na pag-aaral.