Dahil sa patuloy na pagnipis ng National Sports Development Fund (NSDF) bunga ng kasalukuyang health crisis ay napagkasunduan ng board ng Philippine Sports Commission (PSC) na bawasan ng 50% ang buwanang allowance na natatanggap ng mga pambansang atleta at coaches hanggang Disyembre 2020.
“This is a hard decision to make, but one that needed to be done so we can continue caring for our athletes longer,” sabi ni PSC chairman William Ramirez.
Nangako naman si Ramirez na kapag nakakuha na muli ng pondo ang NSDF ay ibabalik ng PSC sa normal na lebel ang allowance ng mga pambansang atleta at coaches.
Samantala, sinabi ni Ramirez na ipatutupad na ang 20% discount para sa mga pambansang atleta at coaches naaayon sa probisyon ng RA 10699 (National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act).
“We have been looking forward to this and we are thankful that our athletes and coaches will finally enjoy the privilege they deserve,” sabi ni Ramirez.
Ang mga atleta at coaches na kwalipikado sa naturang discount ay bibigyan ng ID at booklet (na katulad sa ibinibigay sa mga PWD at senior citizen) para maka-avail ng 20% discount sa food, medicine, recreation centers, hotels, lodging establishments at sports equipment.