Nananatili pa ring Pilipinas ang pangalan ng ating bayang magiliw, bagamat hindi ko maiwasang maisip na higit dalawang buwan at kalahati na tila ito ay naging “Pilapinas” dahil na rin sa epekto ng salot na corona virus.
Kahit saan ka tumingin ay pila sa mga pamilihan tulad ng mga grocery, palengke, at maging sa mga sari-sari store. Kung bibili ka ng gamot ay kailangan mong pumila sa parmasya, at kung gusto mong makatikim ng mabango at mainit-init pang pandesal ay tiyak na pipila ka sa labas ng panaderya. Pipila ka muna bago ka makapasok sa pampublikong palengke at kung mamalasin ay aabutan ka ng pagsasara dahil sa tinakdang oras o sa kautusang wala sa iskedyul ang iyong pagpunta,
Kung nais mo namang bumiyahe ay kailangan mo ring magtiyagang maghintay na makakuha ng tricycle o dyip. Ang problema nito ay hindi mo maiwasang mabilad sa araw dahil karamihan sa mga pilahan ay walang bubungan at limitado ang bilang ng mga sakay, Kaya naman, pagsakay mo sa dyip ay naliligo ka na sa pawis at amoy araw tulad ng iyong mga kasabay. Tiis tiis na lang muna, bulong mo sa yong nangangasim na sarili. Kung mamalasin, ay umuubo pa ang iyong katabi. Diyos ko poh!
Hindi rin ligtas ang mga may sariling sasakyan. Dahil sa maraming saradong daan ay penitensya ang paghahanap ng parking na malapit sa iyong pupuntahan, kaya ang resulta ay Cadil-lacad ka.
At kung talagang hindi mo araw ay aabutin ka ng nakaka-high blood na traffic dala na rin ng sabay sabay na paglabas ng mga sasakyan sa lansangan na nakapila checkpoint.
Magbabayad ka ng electric, water o internet bills?
Good luck na lang kung hindi mo pa alam ang paggamit ng online. Sangkaterbang tao ang nakapila sa LBC,Cebuana Lhuillier, Bayad Center, etc… at kung magpapadala o tatanggap naman ng padala ay samahan mo na rin ng pasensya.
Lahat yata ng mga tao ngayon ay naghihintay ng ayuda hindi lang mula sa gobyerno kundi sa mga kaanak na nagpapakahirap sa ibayong dagat.
Tunay na ang bagong normal (kung meron nga ba nito) ay ang pagpila at siyempre ang pagsusuot ng face mask na umabot na yata sa langit ang presyo dahil sa pananamantala ng mga negosyante.
Sa totoo lang, hindi naman masama ang pumila dahil sa matututunan mo ang disiplina ngunit ang hindi maganda ay ang mga nakalilitong kautusan na pinapatupad sa iba’t-ibang lugar. Dagdag isipin pa ang mga ito sa mga tulirong mamamayan at hindi rin naman nawawala ang obserbasyon ng karamihan ang iba sa mga tagapagpatupad ng batas kabilang ang mga nasa barangay ay nagiging “power trippers.”
Sa totoo lang, kung hindi malawak ang iyong pang-unawa ay siguradong mawawala ka sa iyong sarili na lalo lang magpapagrabe sa sitwasyon.
Sa dami ng dapat bagong gawin, tila nawawala na ang pagkilos ng bukal sa loob na ang resulta kawalan ng gana sa paghahanapbuhay. Lahat ng kilos ay de-numero kaya minsan pakiramdam natin ay tila mga robot na tayo. Kailangang kunin ang iyong temperatura, maghugas ng kamay, social distancing (hindi ito nasusunod lalo na sa pagkuha ng ayuda), magkakalayong workplace, etc….
Nakaiinis, di po ba?
Nadagdag na tuloy sa ating bokabularyo ang WFH (work from home) na nakadepende pa rin sa bilis ng internet (aray ko poh!).
Sa kabilang dako, ang pagpila ay bahagi ng mga pag-iingat laban sa peste sapagkat makokontrol ang sabay sabay na pagkukumpulan ng mga tao at ang mga pagbabago ng mga patakaran sa ating paghahanapbuhay at bahagi ng mga tinakdang health protocol.
Tunay na wala tayong magagawa kundi sumunod at huwag kalimutan na nasa paligid pa rin natin ang COVID-19.
Ito ang aking masasabi sa mga pangyayaring hindi (not in our lifetime) minsang sumagi sa ating isipan na mangyayari hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Pagtiyagaan na natin ito upang makagapang sa nais nating marating. Ngunit ang ating pagtitiyaga ay samahan ng pagmamatyag upang maiwasan ang pagmamalabis ng mga awtoridad, Maging mapanuri, Pumila tayo na buo ang dangal at walang bahid ng panglalamang, Maging handa rin tayo sa pangmatagalang epekto ng salot sa ating pamumuhay sapagkat durog ang ating ekonomiya na lalo pang nagpahirap sa mga mahihirap. Tandaan, mahirap ngayong magkasakit sapagkat hindi na madaling magpunta sa mga doktor o ospital. Mabubutas din ang inyong mga bulsa.
Most importantly, let us remain firm in the belief that the Lord has not and will never abandon us. Ang Poong Maykapal ang ating lakas at sandalan.
Remember Desiderata? And whether or not it is clear to you, no doubt the universe is unfolding as it should. Therefore be at peace with God, whatever you conceive Him to be. And whatever your labors and aspirations, in the noisy confusion of life, keep peace in your soul. With all its sham, drudgery and broken dreams, it is still a beautiful world. Be cheerful. Strive to be happy.
Long Live PILAPINAS!