Juday, Ryan gumagawa ng paraan para walang matanggal sa resto business

TULAD ng ibang may-ari ng food and resto business, matinding hamon din ang pinagdaraanan ngayon ng mag-asawang negosyanteng sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo.

Hangga’t maaari ay ayaw magtanggal ng empleyado o staff sina Juday sa pag-aari nilang restaurant (Angrydobo) ngayong panahon ng krisis kaya naman humahanap sila ng paraan para masolusyunan ang problema.

Naiintindihan nina Juday at Ryan ang hirap ng buhay ngayon at kung magtatanggal nga naman sila ng trabahador o “cast members” (tawag ni Juday sa staff) ay parang mas lalo pa nilang pinahirapan ang mga ito.

“With the lockdown, ang first thing in mind talaga namin, ano ang mangyayari sa mga staff?” ang pahayag ng Soap Opera Queen sa panayam ni Tim Yap sa YouTube Live kahapon.

Patuloy pa ng Kapamilya actress, “Paano na sila? Lalo na iyong mga staff namin sa Westgate, kasi kakabukas pa lang ng second branch, e. We were just starting to get the hang of it and then the lockdown happened.”

Ang tinutukoy ni Juday ay ang branch nila sa Alabang, Muntinlupa City, na nagsimula lang maging operational nitong Feb. 13, 2020. Siyempre, lahat sila ay na-shock sa biglang pagsasara ng kanilang food business dahil sa lockdown.

“We didn’t have a choice, we just really had to close down. Kasi mas after naman kami sa welfare ng mga tao namin, kaysa pilitin namin silang pumasok,” lahad ng aktres.

“What we did, some of our supplies, pinauwi na namin sa staff namin, kasi para ma-prepare din sila sa lockdown.

“Because it was a sudden lockdown, not everyone has prepared. Imbes na masayang iyong pagkain, mabuti itulong na lang namin.

“Para lessen na iyong worries nila, at least for a week, or at least tatlong araw man lang, medyo kampante kami na okay iyong mga cast members namin,” paliwanag pa ng misis ni Ryan.

At para hindi mawalan ng trabaho ang kanilang “cast members”, nag-iisip ngayon sina Ryan at Juday ng paraan, “Eventually, habang naka-quarantine, we are thinking of ways on how are we gonna keep our staff. As much as possible, we don’t want naman talaga, hanggang maaari, na magtanggal ng tao.

“You have to choose people kung sino iyong puwede nating gamitin. Pero sa ngayon, hanggang maaari, we are really trying our very best to give all our cast members responsibilities.

“Para we could still keep them. Kasi we understand na mahirap ang pinagdadaanan natin ngayon, ng pangkalahatan.

 “Hanggang maaari, kung kaya, kung kaya ko pa ngang ibigay iyong kabilang lapay ko, ibibigay ko para makatulong pa kami,” birong pahayag pa ni Juday.

Isa ang aktres sa mga local celebrities na wala ring sawa sa pagtulong sa mga naapektuhan ng lockdown, kabilang na ang ga frontliners.

Read more...