Coco hindi susuko: Lalaban kami at maninindigan!
PALABAN pa rin ang Teleserye King na si Coco Martin sa kabila ng kaliwa’t kanang pambabatikos ng mga bashers na kumokontra sa muling pagbubukas ng ABS-CBN.
Sandaling nanahimik ang award-winning actor sa pagpo-post ng matatapang na mensahe sa kanyang social media account bilang pagsuporta sa Kapamilya Network.
Muling ipinagsigawan ni Coco sa buong universe na hindi sila susuko sa hinaharap na laban at patuloy na maninindigan para sa 11,000 empleyado ng istasyon.
Sa kanyang Instagram account, muling nag-post si Cardo Dalisay ng kanyang saloobin tungkol sa franchise renewal ng ABS-CBN kasabay ng hearing para rito sa kongreso kamakalawa.
Una niyang ibinahagi ang isang quote card na may mensaheng: “ABS-CBN, ITINATAG AT PINAPATAKBO NG MGA PILIPINO.
“NAGBIBIGAY TRABAHO PARA SA MGA PILIPINO.
“NAGLILINGKOD PARA SA MGA PILIPINO. #IbalikAngABSCBN.”
Nilagyan niya ito ng caption na, “Lalaban kami at maninindigan!!!”
Sa isa pa niyang post, makikita ang litrato ng mga bossing ng ABS-CBN na sina President and CEO Carlo Katigbak, Cory Vidanes, COO of Broadcast at Martin Lopez, Chairman na may mensaheng, “God gives his toughest battles to his strongest soldiers.”
Caption dito ni Coco, “Lumaban para sa karapatan at manindigan para bayan!!!”
Nauna rito, nakiisa rin si Coco sa panawagan na pirmahan ang online petition para sa pagre-renew ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sa naganap na hearing sa Kongreso para franchise ng network, muling pinanindigan ni Katigbak na walang nilabag na anumang batas ang ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.