PCG members na tutulong sa pag-uwi ng OFWs naaksidente; 1 patay, 6 sugatan

ISANG miyembro ng Coast Guard ang nasawi at anim pa ang nasugatan matapos maaksidente ang kanilang sasakyan sa Ibaan, Batangas, habang patungong Metro Manila kahapon para tumulong sa pagpapauwi sa overseas Filipino workers.

Dinala pa si Apprentice Seaman (ASN) Cenen Epetito sa Batangas Healthcare Specialists Medical Center, pero di na umabot nang buhay, ayon sa ulat na nilabas ng PCG.

Nagtamo naman ng pasa si ASN Adrian Añonuevo at patuloy na inoobserbahan sa ospital.

Sa parehong pagamutan din dinala sina Seaman Second Class (SN2) Pacifico Casipi, SN2 Erdie Rojales, ASN Rouin Alvarez, ASN John Kristopher Mojica, at Candidate Coast Guard Man (CCGM) McLester Saguid.

Pawang may mga malay sila nang madala sa pagamutan, pero kinailangang sumailalim sa suture o pagtatahi ng sugat, x-ray, at CT scan, ayon sa PCG.

Naganap ang insidente dakong alas-2:43, habang binabagtas ng pito ang STAR Tollway lulan ng isang van ng Coast Guard.

Galing ang sila sa himpilan ng PCG District-Southern Tagalog sa Sta. Clara, Batangas, at patungo sa Ninoy Aquino International Airport para tumulong sa pagpapauwi sa mga OFW na nagbalik-bayan dahil sa COVID-19 pandemic.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na pumutok ang isa sa mga gulong ng PCG van, hanggang sa lumabas ng highway ang sasakyan at sumalpok sa isang puno doon.

Tiniyak ng PCG na bibigyan ng tulong ang pamilyang naulila ni Epetito, at tatanggap ng kaukulang tulong medikal ang mga nasugatan.

Read more...